Ateneo Blue Eagles umakyat sa 13-0 record

Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs UP
4 p.m. Adamson vs FEU
Team Standings: *Ateneo (13-0); *La Salle (11-2); *Adamson (9-4); FEU (6-7); UP (5-8); NU (5-8); UE (3-10); UST (0-13)
* – semifinalist

NAPANATILI ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang malinis nitong kartada sa pagsungkit sa ika-13 diretsong panalo subalit matapos lamang na pigilan ang hamon ng University of the Philippines Fighting Maroons, 96-82, sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament Miyerkules sa Araneta Coliseum.

Tatlong yugto na naghabol ang Blue Eagles sa laban na nagtala ng 17 lead changes at walong pagtatabla bago nito inagaw ang abante sa pagsisimula ng ikaapat na yugto mula sa free throws ni Mike Nieto at hindi na pinakawalan sa huling segundo upang lumapit sa posibleng awtomatikong unang silya sa kampeonato.

Huling makakalaban ng Ateneo ang karibal na defending champion De La Salle University Green Archers sa pinakahuling araw ng eliminasyon sa Linggo para sa asam nitong kasaysayan na makapagwalis ng lahat ng laban nito sa torneo.

Huling nagtabla ang laban sa iskor na 79 bago magkasunod na umiskor sina Jolo Mendoza at Vince Tolentino at isang tres ni Nieto para sa 86-81 abante ng Blue Eagles.

Huling nakaiskor ang Fighting Maroons mula sa split free throws ni Paul Desiderio may 2:34 pa sa laro bago inilatag ng Blue Eagles ang matinding depensa at hindi na pinaiskor ang UP sa huling dalawang minuto tungo na sa panalo.

Pinamunuan ni Matt Nieto ang Blue Eagles sa itinalang 19 puntos, 4 rebound at 2 assist habang si Isaac Go at Gian Mamuyac ay may tig-13 puntos. Nag-ambag naman sina Ferdinand Ravena III at Vince Tolentino ng tig-10 puntos para sa Ateneo.

Nahulog naman ang UP sa 5-8 panalo-talong karta kasalo ang National University Bulldogs sa ikalima at ikaanim na puwesto.

Samantala, dalawang beses na umahon sa 15-puntos na pagkakaiwan ang NU upang panatiliing buhay ang tsansa nitong makaagaw ng silya sa Final Four sa pagpapalasap ng masaklap na kabiguan sa Far Eastern University Tamaraws, 87-74, sa unang laro.

Nagtulong para sa Bulldogs sina Jjay Alejandro at Issa Gaye sa ikaapat na yugto sa inihulog na kabuuang 20 puntos upang lampasan ang produksiyon ng Tamaraws na 12 puntos upang pigilan ang dalawang sunod nitong kabiguan sa pagsungkit sa ikalima nitong panalo sa 13 laro.

Hindi inintindi ng NU ang pagkakaiwan sa 23-38 sa ikalawang yugto at 64-79 sa pagsisimula ng huling yugto pati na ang pinakawalang 18 tres ng Tamaraws tungo sa pagpapanatili sa tsansa na makapuwersa ng playoff sa semifinals.

Nahulog naman ang FEU sa 6-7 kartada.

“This is the dream. This is what I was expecting from our players, ’yung maturity,” sabi ni NU coach Jamike Jarin.

Namuno para sa Bulldogs si Gaye na may 24 puntos, 11 rebound at dalawang block habang si Alejandro ay may 17 puntos, anim na rebound at siyam na assist. Tumulong din si Enzo Joson na may 13 puntos, tatlong rebound, apat na assist at isang steal.

Isang tres ni Alejandro ang nagpainit sa Bulldogs sa pagkapit nito sa abante sa 82-81 bago kinumpleto ang ikaapat na yugto sa 23-5 bomba para pasikipin ang pag-aagawan sa ikaapat at huling silya sa semfinals.

Read more...