KALIWA’T kanan ang mga beauty contest sa Hong Kong. Basta pagandahan, hindi pahuhuli riyan ang mga Pinay!
Kaya naman kahit pagod sa maghapong trabaho ang ating mga domestic workers, nagagawa pa rin nilang daluhan ang kanilang mga rehearsal. Kuntodo rin ang kanilang pagbebenta ng mga ticket, at higit sa lahat, ginagastusan nila ang mga naturang patimpalak. Nariyan na bibili ng mga gown na ipangrarampa sa coronation night at kung ano-ano pang mga abubot.
Kaya nga naging isyu ito ng Philippine Overseas Labor Office natin sa Hong Kong. Ayon kay Labor Attache Jolly dela Torre, isinusulong niya ang pagpapahinto sa ganitong mga aktibidad ng ating mga OFW.
Bukod sa nagagastusan na sila, imbes na makapag-ipon, nagkakabaon-baon pa sa utang ang ating mga OFW na panay ang sali sa mga beauty contest. Sa halip mag-ipon, nagkakabaon-baon pa sa utang ang ating mga OFW.
Hindi lamang iyan, hinahanap din ni dela Torre ang mga kinita sa naturang mga beauty pageant na sinasabing napupunta lamang sa kani-kanilang mga organisasyon. Nasaan na umano ang mga salaping iyon?
Nagrereklamo na rin ang mga negosyante sa ibayong dagat na patuloy na kinakatok ng mga organisasyong ito para sa sponsorship.
Pero bahagi na yata talaga ng buhay pag-aabroad ang mga paligsahan sa pagandahan. Nananalaytay kasi sa ugat ng ating mga kababaihan ang pagsali sa ganitong mga beauty pageant kahit noong mga bata pa sila.
Ganito na rin ang kalakaran ngayon sa Singapore.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Pro-Foreign Workers Group, nakakapang-engganyo hanggang 40 contestants ang mga beauty contest na ito dahil sa alok na cash prize na aabot sa 2,000 (Singaporean Dollars) o humigit kumulang sa P75,000.
Pero kung malaki ang papremyo, malaki rin naman ang puhunan. Marami kasing mga bayarin ang mga contestant at ibang mga gastusin tulad ng registration fee, costume fee, make-up at etiquette classes. At aabot din sa 1,200 SGD ang kanilang mga gastos!
Aba hindi lang pala simpleng rarampa ang ating mga kababaihan! Binibigyang puhunan nila ang mga ito.
Tulad din sa Hong Kong, obligado ring magbenta ng tickets ang mga contestant sa Singapore upang makabuo sila ng support system sa aktuwal na patimpalak.
Ang malungkot dito, saka lamang nila nalalaman ang naturang mga hidden charges kapag pumayag na silang sumali sa naturang beauty contest.
Ano ba talaga, mga ate?
Bakit ba kayo nahuhumaling sumali sa ganyang mga pa-contest? Mag-concentrate na lang sana kayo sa inyong mga trabaho, ipunin ang mga salaping pinaghihirapan at planuhin na ang pagbabalik sa Pilipinas, upang hindi na kayo nagtatagal sa abroad para makasama na ninyong muli ang inyong mga kapamilya.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com