Barbie hugot princess; matindi ang pinagdaanan sa lovelife

KUNG si Angelica Panganiban ang tinaguriang “Hugot Queen” sa mundo ng pelikula, siguradong si Barbie Forteza na ang magiging “Hugot Princess”.

Ito’y dahil sa nakakadala at nakakahawang mga eksena niya sa bagong hugot at romcom movie ng Regal Entertainment at Regal MultiMedia na “This Time I’ll Be Sweeter” kasama ang kanyang leading man na si Ken Chan.

Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na premiere night kamakalawa sa SM Megamall Cinema 7 at in fairness, nakiiyak, nakitawa at kinilig kami sa kabuuan nito. Yes, nakakaiyak din ang kuwento ng “This Time I’ll Be Sweeter” dahil sa mga challenges na pinagdaanan ng mga karakter nina Barbie at Ken.

Talagang nailabas ni direk Joel Lamangan ang galing ng magka-loveteam sa pagpapakilig at pagdadrama. At pinatunayan din sa movie ng dalawang Kapuso stars na hindi kailangang maging magdyowa ang magka-partner on screen para maging effective ang kanilang mga eksena.

“Ako naniniwala na ang isang loveteam, hindi naman kailangan mag-on kayo sa totoong buhay. Ang espesyal sa amin ni Barbie, ‘yung relasyon namin bilang friends. Mahal namin ang isa’t isa bilang magkaibigan.

“Napakaswerte naming dalawa dahil tinatanggap ng mga tao ang tambalan namin. Ayaw naming manloko ng tao, ayaw naming magkunwari. Yan siguro ang sikreto kung bakit mahal kami ng supporters ng KenBie,” mahabang paliwanag ni Ken nang makachikahan namin after ng premiere night.

Sey naman ni Barbie na pinalakpakan din at pinuri-puri ang akting sa movie, “Simple man o hindi ang eksena, nagki-click kami ni Ken dahil wala kaming ilangan sa isa’t isa. Hindi namin pinipilit na magkaroon ng something para lang magpakilig. Basta kami ni Ken, hindi kami showbiz, ginawa namin lahat ng inutos ni direk Joel para mapaganda at mapasaya ang mga manonood.”

Sure na sure kaming maraming makaka-relate sa mga hugot nina Ken at Barbie sa “This Time I’ll Be Sweeter” at hindi lang ito para sa mga magdyowa o mga may pinagdaraanan sa kanilang lovelife, para rin ito sa buong pamilya at sa magbabarkada. Ang isa pa sa tinalakay ng pelikula ay ang problema ng mga kabataan sa depresyon na maaaring makatulong sa mga taong dumaranas nito ngayon.

Swak na swak din ito sa mga taong pa-fall, pa-hopia at paasa pagdating sa pakikipagrelasyon.
Samantala, proud na proud naman si direk Joel sa kanyang mga artista sa movie, lalo na sa KenBie,

“They are intelligent actors, very natural!”

Sa mga nagtatanong naman kung natuloy ba ang kissing scene nina Barbie at Ken sa movie, ‘yan ang kailangan n’yong panoorin. Ayaw naman naming maging atribida at spoiler, di ba? Basta sabi ni Barbie, “Basta may kissing scene kami ni Ken. Hindi lang kami sure kung saan! Ha-hahaha!”

Teka, kinailangan pa ba niyang magpaalam sa kanyang rumored boyfriend na si Jak Roberto tungkol sa halikan nila ni Ken? “Wala naman sa kanya yun! At saka matagal na din kaming nagkakasama sa Meant To Be, kilala na rin niya si Ken. So komportable siya kay Ken at may tiwala siya kay Ken at sa akin.

Tsaka wala naman kaming malalang eksena dito.

“Actually, wala akong kailangang ipagpaalam na eksena sa kanya dito, safe naman lahat. In fairness naman sa amin ni Ken. Ha-hahaha!” hirit pa ni Barbie.

Kasama rin sa “This Time I’ll Be Sweeter” sina Akihiro Blanco, Kim Rodriguez, Thea Tolentino (na kinabwisitan na naman ng mga manonood dahil sa kanyang kontrabida role), Hiro Peralta, Jai Agpangan, Fiona Yang at Kaki Martin.

Showing na ito ngayong araw nationwide kaya kung ayaw n’yong mahuli sa kuwentuhan at hugutan, sugod na sa mga sinehan! Now na! Gow!

Read more...