16 Marawi brgys. off limits pa rin

OFF limits pa rin sa mga tao ang 16 na barangay sa Marawi City kung saan may natitira pa umanong miyembro ng teroristang Maute.
“Mataas pa rin ang banta. Nariyan pa rin ‘yung mga risk sa kinaroroonan ng mga nagtatagong kalaban na ayaw lumabas,” ani Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Maj. Gen. Restituto Padilla Jr.
Idinagdag ng opisyal na bagaman wala nang hawak na mga bihag ang mga natitirang terorista, napapalibutan pa rin ang mga lugar ng mga patibong at improvised explosive devices (IEDs).
“So, we have to be very careful. Kaya nga iniiwasan natin na magkaroon pa tayo ng mga battle casualties,” dagdag ni Padilla.
Kasabay nito, sinabi ng opisyal na patuloy ang paghimok ng militar na sumuko na ang mga natitirang terorista.
“Pinakikiusapan na sila ay mapayapang sumuko na lamang para nang sa ganoon ay maayos nating matutugunan ‘yung ‘pag-clear ng lugar na ito,” aniya.
Inamin ni Padilla na wala pang eksaktong araw kung kailan matitiyak na ligtas ang 16 na barangay.
“Ayaw nating magbigay ng timeline dahil hindi natin alam kung gaano katindi pa rin ‘yung ating hinaharap na challenges dito. Pero lahat ng ating mga tropa ay nakatuon ang pansin sa pagsasagawa ng mga clearing operations,” dagdag ni Padilla.

Read more...