SA maraming mga bansa, samu’t-saring mga problema ang kinakaharap ng mga kumpanya sa ibayong dagat.
Ibang-iba nga ang panahon noon kung ikukumpara ngayon. Sa kabila ng mabilis na pag-usad ng teknolohiya sa makabagong panahon na dapat ay mapapagaan ang buhay, tipong lalo pa yata siyang nagiging pabigat.
Tulad na lamang sa Europa, dahil sa patuloy na pag-igting ng banta ng terorismo, marami na rin ang pinapayuhan sa kanilang mga tahanan na lamang magtrabaho. Nangangahulugan din ito ng posibleng pagbawas ng kanilang mga manggagawa sa patuloy na pagharap sa naturang krisis.
Maraming mga kumpanya rin ang patuloy na nalulugi at kinakailangang magsara na lamang kung hindi na talaga kakayanin pang igapang ang kanilang mga negosyo.
Sa ibang mga bansa naman, hindi na kumukuha ng bagong mga manggagawa, kaya naman pumapayag na silang gawin ang trabaho ng dalawa hanggang tatlo katao huwag lamang silang alisin sa kumpanya.
Ngunit kung sakaling natanggal na talaga sa trabaho, hindi uuwi ng bansa ang ating OFW. Pipilitin niyang makahanap ng kapalit na trabaho upang patuloy na matugunan ang obligasyon sa pamilya sa Pilipinas.
Ngunit dahil sa mahirap din namang maghanap ng trabaho lalo na kung hindi na legal ang pananatili ng isang OFW doon, mabilis na maubos ang kaunting naipon at sa halip mababaon’ pa ito sa utang sa kaniyang mga kasamahan.
Ang iba naman, sa halip na sila ang nagpapadala sa Pilipinas, sila pa ngayon ang pinadadalhan ng pera upang may maipangbayad sa kuwartong inuupahan, pangkain at pang-araw araw na gastusin. Umaasa rin kasi ang pamilya nito na mananatili pa rin siya sa abroad.
Kasi nga naman posibleng nakapag-plano na ang isang OFW ng sa susunod na lima, 10 hanggang sa maraming mga taon pa.
Hinding-hindi nila kailanman iniisip na maaaring mawalan sila ng trabaho. Hindi kasama iyon sa kanilang mga plano, kung kaya’t hindi sila nakahanda sa ganitong mga pagkakataon.
Normal kasi sa tao lalo pa’t maganda ang kalagayan sa buhay, ang kaisipan na palaging magtatagal iyon.
Ngunit walang katiyakan sa buhay. Walang kasiguruhan ‘ika nga. Sa panahon ngayon, sa halip na isipin ang kawalang hanggan, palaging ilagay sa isip na hindi garantiya ang kontratang napirmahan na palaging may trabaho at magtatagal sa abroad.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424