Disiplina ng motorista absent sa Pinas

SIGURO nga ay absent ang mga driver natin noong itinuro sa klase nila sa Grade One hanggang Grade Six ang subject na Good Moral and Right Conduct dahil bihira akong makakita nang maayos magmanehong Pilipino.
Hindi naman ito dahil sa kulang sa kaalaman sa basic traffic rules ang Pilipino dahil sa Subic na lang ay correct naman ang driving habits nating lahat. Ibig sabihin ay hindi education ang problema kundi enforcement.
At dito papasok ang issue ng tamang mga pagpapatupad ng batas trapiko at kung sino ba ang dapat na gumagawa nito. Sa ibang bansa ay nasa ilalim talaga ng pulis nila ang trabaho ng trapiko dahil ito ay isang “peace and order” concern.
Dito lang sa atin inihihiwalay ang isyu ng trapik sa pulis dahil inalis sa local government ang hurisdiksyon sa pulisya habang ang trapik ay patuloy na responsibilidad ng LGU.
Subalit maaari pa rin itong magawan ng solus-yon kung magagawa natin ang mga hakbang na matagal na ginagawa sa ibang mas progressive na bansa.
Una ay ang drivers license/motor vehicle registration matching kung saan ang pangalan sa rehistro ng kotse ay siya ring pangalan sa lisensiya ng nagmamaneho. Dito ay kailangan ipakita ang driver’s license nang may-ari ng kotse at dito rin ibabase ang impormasyon sa rehistro ng kotse.
Sa ganitong paraan, madali ipatupad ang no-contact policy sa mga sasakyan dahil ang address ng plaka ay siya ring address ng driver’s license. Maaari na rin ang electronic ticket na ipadadala sa koreo at babayaran ang fine sa bangko.
Ikalawa ay ang pagpapatupad ng auto insurance system na nagtatakda ng mas mataas na insurance premium sa mga tiwaling drivers. Tulad sa Amerika at Europa, sa tuwing maaaksidente na siya ang may sala base sa report ng pulis, tumataas ang premium ng insurance sa kotse. Halimbawa ay sa U.S. kung saan $40/month ordinarily ang insurance. Subalit kapag naaksidente minsan ay tataas ito ng $100/month at sa ikatlong aksidente ay nasa $350/month na ito. Bababa lang ang premium after three years na walang record.
Ikatlo, kasabay ng insurance system na ito ay ang merit system sa driver’s license renewal. Kapag bagong driver ay one year lang valid ang license. Sa susunod na renewal, kapag walang record ay magi-ging three years at sa susunod na renewal na malinis ang record ay five years na. Kung papangit ang record ay bababa ulit sa three o one year ang license validity, lalo na kung laging may huli o aksidente.
***
Nilinaw ni LTFRB Chairman Martin Delgra na hindi pa lusot ang Gold Dust Trucking na may ari ng trak na umararo sa mga tao at sasakyan sa Batasan Road kamakailan.
Ayon kay Delgra, haharap sa kasong Reckless Imprudence Resuting to Homicide ang operator ng truck dahil sa kapabayaan nila sa kondisyon ng trak nila na naging ugat ng aksidente.
Pero sana mas mabigat sa homicide ang maging kaso nila para magtanda.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...