TUNAY na hindi matutumbasan ang pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak.
Dahil panahon ng Undas, minarapat ng pamilya ni Mr. Politician na sa ibang bansa muna magbakasyon para hindi maalala ang mapait na trahedya sa kanilang buhay ng mamatay ang isa sa kanyang mga anak na lalaki.
Kamakailan ay muling nabuhay ang alaala ng namatay na anak ni Sir.
Sisimulan natin ang ating kwento sa pamamagitan ng isang motor show na ginanap sa isang lugar dito sa Metro Manila kamakailan.
Sa isang sulok ng car show na iyun ay nakadisplay ang isang magandang pick-up truck na pag-aari ng namayapang anak ni Mr. Politician.
Nakasulat sa nasabing sasakyan ang initials ng namatay na may-ari nito.
Sinabi ng ating Cricket na sa sasakyan ding iyun isinakay ang mga labi ng anak ni Mr.. Politician noong siya’y ihatid sa kanyang libingan.
Pinili ng pamilya na ingatan ang naturang sasakyan bilang pagrespeto sa alaala ng kanilang namayapang mahal sa buhay.
Sa pamamagitan ng sasakyan na iyun ay nanunumbalik ang kanilang happier moments kasama ang namatay na miyembro ng pamilya.
Para kay Mr. Politician ay hindi na mahalaga kung makakuha man ng pabuya o hindi ang kanilang entry basta’t ang mahalaga ay alam niyang nag-enjoy ang kanyang anak kung saan man ito naroroon dahil sa dami ng mga humanga sa kanilang sasakyan.
Pagkatapos ng event ay maingat na isinakay sa isang truck ang naturang sasakyan at inuuwi na sa kanilang lalawigan.
Bagaman may kapilyuhan noong kanyang kabataan at marami ring mga kontrobersiyang kinasangkutan, sinabi ng ating Cricket na hindi matatawaran ang pagmamahal sa kanyang mga anak ng pulitikong ito na bida sa ating kwento.
Ang pulitiko na gumawa ng paraan para maisama sa car show ang sasakyan ng kanyang namatay na anak ay si Mr. R….as in Realty.