YAN nga. Kung walang pera, eh di huwag na. Kung ayaw mo, huwag mo. Yan nga ang nangyari, masaklap ngunit totoo, kay dating Public Works Secretary Hermogenes Ebdane Jr., nang umatras siya sa pagkapangulo sa 2010 elections kahapon. “Sadly, the lack of funds can unmake a viable presidential candidate,” pahayag ni Ebdane sa Bahay ng Alumni sa University of the Philippines Diliman, Quezon City. Para kay Ebdane, na malapit kay dating Pangulong Fidel Ramos (kaya isa siya sa mga binansagang “Batang Tabako”), hinog na siya para tumakbo pagkapangulo. Para sa kanya, malawak na ang kanyang karanasan sa paglilingkod. Nagsimula bulang kawal ng Philippine Constabulary, naabot ni Ebdane ang pinakamataas na puwesto sa National Police–nang walang alingasngas at anomalyang ibinabato sa kanya. Marahil, maliban na lang sa negosyo, pananalapi at pagbabangko, malawak na nga ang kaalaman at karanasan ni Ebdane. Kaya nga siya nagpasyang magparamdam na tatakbo pagkapangulo at nagbitiw sa Department of Public Works and Highways. Pero, pera nga ang kailangan kapag tatakbong presidente. Tulad ng kasabihan sa Ingles, pera ang nagpapatakbo sa mundo. Sa larangan ng politika sa buong mundo, lalo na sa Estados Unidos (siyempre, kasama riyan ang Pinas na kakaiba at kaduda-duda ang pamamaraan ng campaign contributions), pera ang kailangan. Tinawag na “political investment” ang perang ibibigay ng malaking negosyante o mayaman sa kandidato, sa paniwalang babalik din ito ng doble, o siksik-luglog pa, kapag nanalo ang politiko. Sa Pinas, karaniwang palabigasan ang mga Taipan sa tuwing presidential election (o kahit anumang eleksyon sa mataas na puwesto, tulad ng sa Senado, atbp.). Marahil, walang Taipan ang sumugal kay Ebdane. Marahil, walang mayaman ang mangangalap ng pondong panggastos ni Ebdane para tumakbo (sino nga naman ang mangangalap ng pondo para sa wala pang makinarya’t tao? At kahit na kaalyado’t malapit kay Pangulong Arroyo, hindi niya hiningi ang endorso ng Lakas-Kampi-CMD). At kung walang Taipan na magbibigay at walang mangangalap, wala ngang perang panggastos. Ganoon si Ebdane. Kung walang pera, di siya mamimilit. Kung walang magbibigay, di siya luluhod. Kung ayaw mo, huwag mo.
BANDERA Editorial, 120109