Ano ba ang ipinakain ng mga Ampatuan kay GMA?

NAHIHIRAPAN ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa tuluyang paglansag sa private army ng mga Ampatuan.
Yung 340 miyembro Cafgu na inasayn ng AFP kay Ampatuan ay tip of the iceberg lamang.
Tinatayang mahigit na 1,000 armadong kalalakihan, kabilang na rito ang mga miyembro ng Philippine Army at PNP, ang numero ng private army ng mga Ampatuan.
Ang mga kasapi ng Army at PNP na nakatalaga sa mga Ampatuan ay tapat sa pamilya ng Ampatuan dahil malaki ang ibinibigay nila sa mga ito.
Ilan sa mga Army at PNP ang sumama sa pagkatay sa mga babae at journalists sa Maguindanao sa utos diumano ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Tatlong opisyal ng PNP sa Maguindanao ang dinala sa Maynila, dinisarmahan at ikinulong matapos mapag-alaman ng mga awtoridad na naroon sila sa pinangyarihan ng masaker.
* * *
Saan ba nanggaling ang mga armas na ibinigay sa private army ng mga Ampatuan kundi mismo sa ating gobyerno.
May pahintulot daw kay Pangulong Gloria ang pagbibigay diumano ng mga armas kina Ampatuan na nagpanalo sa kanya noong 2004 presidential election. Ang kalaban ni GMA noon ay ang nasirang aktor na si Fernando Poe Jr.
May pahintulot din kay GMA ang pagtalaga ng mga kasapi ng Army at PNP sa mga Ampatuan.
Sila ang sumasama sa mga Ampatuan kapag pumupunta ang mga ito sa Davao City at sa Maynila.
Kung nagpapagupit ang matandang Ampatuan na si Andal Sr., gobernador ng Maguindanao, sa Bruno’s barber shop sa Greenbelt, Makati, natatakot ang ibang customers dahil sa dami ng mga armed bodyguards nito.
“Di naman namin siya mapigilang magdala ng mga bodyguard, sir, dahil takot kami sa kanya,” sabi ng isang barbero.
Ang mga customers na naroroon kapag dumating si Ampatuan sa Bruno’s ay umaalis sa takot.
Sa Davao City, kapag nandoon sa kanilang mansion ang mga Ampatuan, nagkalat ang mga bodyguards nito sa kalye na harap ng mansion.
Oo nga’t di ipinakikita ng mga bodyguards ng mga Ampatuan ang kanilang mga dalang baril dahil pinagsabihan sila ni Mayor Rody Duterte.
Pero nagkalat ang mga bodyguards sa labas ng mansion sa Davao City na malapit sa SM Mall.
Dahil sa pagkakatayo ng mansion ng mga Ampatuan sa Davao City, maraming mga residente na kapitbahay nila ang nagsilipatan na ng tirahan.
* * *
Kung totoo ang sinabi ni Presidential Deputy Spokesperson Lorelei Fajardo na di iiwanan ni Gloria ang mga Ampatuan bilang kaibigan, aba makapal ang mukha ng ating Pangulo!
“I don’t think the President’s friendship with the Ampatuans will be severed,” sabi ni Fajardo.
“Dahil lang ba sa nangyari ay tatalikuran na namin ang mga Ampatuan?” dagdag pa ni Fajardo.
Hindi na nahiya si Pangulo.
Sa kabilang dako,nanawagan si GMA ng day of mourning para sa mga napatay ng mga Ampatuan.
Anong klaseng tao itong si Pangulong Gloria?
* * *
Kaya naman pala binigyan ng VIP treatment si Mayor Andal Jr., nang siya’y bumaba ng helicopter sa Villamor Airbase galing ng Maguindanao.
Sinalubong siya ni Justice Secretary Agnes Devanadera at kinamayan pa!
Pinuntahan ni Secretary Jess Dureza ng Peace Process ang mga Ampatuan sa Maguindanao upang sumurender at sumama pa sa kanila sa meryenda.
Huwag tayong magtaka kapag ililipat si Mayor Ampatuan sa isang hospital suite galing ng NBI detention cell at doon mamalagi habang nililitis ang kanyang kaso.
Huwag tayong magtaka kung padadalhan ni GMA si Ampatuan ng mga pagkaing Muslim na tinatawag na “halal.”
Ano ba ang ipinakain ng mga Ampatuan kay Gloria na ganoon na lang ang pagsamba niya sa kanila?

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 120109

Read more...