Kung makapagsasalita lang ang mga namayapa

NGAYONG Undas, gumala kaya ang kaluluwa ng mga naghahanap ng katarungan?

Tingin-tingin sa paligid baka may katabi ka na diyan, hindi mo lang agad napansin na hindi pala sila buhay.

Sila ‘yung mga hindi nabigyan nang maayos na libing at mga inilibing nga sa semeteryo kalunos-lunos naman ang kalagayan.

At ‘yung mga namatay sa aksidente o kaya ay pinatay nang walang kalaban-laban o dahil nanlaban sa pulis o kriminal.

 

***

Kung makakapagsalita lang ay baka umangal ang maraming patay sa kalagayan ng pampublikong sementeryo kung saan sila inilibing.

Hindi kasi lahat ng lokal na pamahalaan ay mayroong pondo para mapaayos ang kanilang mga semeteryo o makapagtayo ng bagong public cemetery.

Ang ibang sementeryo ay sa sobrang dami ng nakalibing ay overcrowded na, parang mga taong nagsisiksikan sa MRT, hindi nga lang makaangal.

May mga sementeryo naman na inaalis na ang mga “overstaying” na labi. Isinasako na lamang at pinagsasama-sama ang mga buto. Bahala na kung mahanap pa sila ng kanilang mga kamag-anak.

Maraming tao na sa hirap ng buhay ay hindi madalas na nakakadalaw sa semeteryo kaya naman kapag nagkaroon sila ng pagkakataon ay nagugulat sila na wala na ang kanilang dinadalaw doon.

Napalitan na pala.

Sa pampublikong libingan ay uso ang mga nawawalang labi.

Ang ibang libingan naman ay binubuksan para pagnakawan.

Kaya may panukala sa Kamara de Representantes upang mapatawan ng mabigat na parusa ang gumagawa nito.

Dahil masikip na nga ang mga semeteryo mayroon ding nagpapanukala ng libreng cremation sa mga mahihirap.

Para hindi na tumaas pa ang apartment o ang patong-patong na nitso, ay i-cremate na lamang para mas maliit na espasyo ang kailangan.

Ang iba hindi na i-nilalagay pa sa columbarium ang urn kung nasaan ang abo ng kanilang mahal na yumao, iniuuwi nila ito sa bahay.

May kamahalan din ang cremation kaya hindi rin ito kaya ng mga mahihirap.

At para maiwasan na maging “hamonado’” ang mga bangkay na hindi inililibing para makalikom pa ng abuloy, may panukala sa Kongreso para sa libreng cremation.

Kung libre na ang cremation, mabawasan na rin ang siksikan sa semeteryo.

Para mas lalong makamura, maaari na i-cremate muna bago i-burol para hindi na kailangan ng kabaong. Kung meron, pwede rin namang rumenta ng kabaong.

Merong mga mayayaman na iniiwan na lamang ang kabaong matapos na ma-cremate ang kanilang mahal sa buhay.

Baka pwede itong hingiin dahil malamang hindi naman iuuwi sa bahay ang kabaong.

Kung mahal umano ang manganak at bumuhay ng anak, mahal din ang mamatay sa Pilipinas.

Read more...