NOON pa pala nagpasabi si Coco Martin na dadalawin niya ang le-gendary tattoo artist na si Apo Whang Od sa Kalinga pagkatapos ng shooting nila para sa 2017 MMFF entry na “Ang Panday”.
Ngunit nauna na ngang lumuwas sa Maynila ang sikat na sikat na “mambabatok” para sa isang art exhibit. Balitang pumayag si Apo Whang Od na bumaba ng Kalinga kapalit ng pakikipagkita kay Coco na itinuturing na niyang idolo.
“Sabi ko nga nahiya ako kasi siya ang pumunta dito sa Manila kasi sabi ko pagkatapos ko ng ‘Ang Panday,’ maglalaan ako ng isang araw para puntahan siya. Eh nauna siyang magpunta sa akin dahil meron siyang exhibit dito.
“And then finally nagkita na kami, sabi ko sa kanya ako naman ang dadalaw sa kanya du’n kapag libreng-libre na tayo,” ang pahayag ni Coco nang makausap ng ilang miyembro ng entertainment media kamakailan.
Inalam namin kung nakapagpa-tattoo ba siya kay Apo Whang Od dahil balitang gustung-gusto raw siyang tatuan ng matanda.
“Hindi nga eh, hindi niya ako na-tattoo-an kasi una pagod na pagod na siya. Pero oo naman (gusto kong magpa-tattoo sa kanya) kasi kakaibang experience ‘yun.
“Yung design naman, siya kasi nagde-decide kung ano ‘yung nakikita niya para sa iyo na ita-tattoo niya. Pero sabi niya warrior eh, may sinasabi siya na parang warrior,” sabi pa ni Coco na nagse-celebrate ng kanyang birthday ngayong araw, Nov. 1. Ilang surprise birthday party na ang kanyang dinaluhan bago pa ang kanyang eksaktong kaarawan.
Nang tanungin kung ano pa ba ang mahihiling niya nga-yong kaarawan niya, “Wish ko lang iyong health ko, ito pa rin, malakas at masaya.”
“As of now, kung ano binibigay sa akin na blessing at opportunity, iga-grab ko. Ayoko palampasin iyong pagkakataon dahil napakatagal ko itong hinintay,” dagdag pa ng lead star ng seryeng FPJ’s Ang Probinsyano.
Ngayong araw ay 36 na si Coco, pero muli niyang sinabi na wala pa siyang planong magkaroon ng sari-ling pamilya, “Ako, saka na. Marami namang time pa.”
Nais kasi ni Coco na malagay muna sa ayos ang kanyang mga kapamilya bago siya mag-asawa.
q q q
Umani ng 12 parangal ang ABS-CBN, para sa kanilang mga programa na kapupulutan ng magagandang aral na pwedeng tularan ng mga Pilipino, kabilang na ang Best Drama Series Program at Best News Commentary sa 39th Catholic Mass Media Awards (CMMA).
Tinanghal na Best Drama Series Program ang top-rating afternoon family drama na The Greatest Love na ipinakita ang mga hamon na hinarap ni Gloria (Sylvia Sanchez), isang inang may Alzheimer’s disease.
Samantala, nasungkit naman ng award-winning radio show ni Ted Failon na “Failon Ngayon sa DZMM” ang Best News Commentary award.
Kabilang din sa mga programang nag-uwi ng parangal ang Home Sweetie Home (Best Comedy Program), ASAP (Best Entertainment Show), Oyayi (Best Children and Youth Program), at Pluma (Best Religious Program).
Kinilala rin ang ilang awitin ng ABS-CBN, music videos at station ID katulad ng “Ikaw ang Sunshine Ko” (Best Secular Song), ABS-CBN Palawan Christmas Station ID 2016 (Best Station ID), “Together We Thrive” na inawit ni Piolo Pascual (Best Music Video and Best Inspirational Song), at “Halalan Prayer” (Best TV AD-Public Service).
Mula noong 1978, ang Catholic Mass Media Awards (CMMA) ang nagbibigay parangal sa mga programang nagbabahagi ng Christian values sa mga manonood.