Negosyanteng Amerikano pinatay, ninakawan

Pinagbabaril hanggang sa mapatay at ninakawan pa ng mga armado ang isang dating U.S. military personnel na naging negosyante, habang nakikipag-transaksyon kasama ang pamilya, sa Pikit, North Cotabato, Linggo ng hapon.
Ikinasawi ni Jeff Michael Keith, 60, dating miyembro ng U.S. Army na nakatira sa Cagayan de Oro City, ang mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, sabi ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.
Kasama ni Keith noon ang 45-anyos na misis na si Melodina, isang 13-anyos na anak na lalaki, at isang 6-anyos na anak na babae, pero di sila nasaktan, ani Tayong.
Naganap ang insidente dakong alas-2:50 sa tapat ng isang tindahan sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Poblacion.
Sakay sina Keith ng kanilang delivery truck at hinihintay ang bayad para sa kanilang mga dineliver na pagkain, nang lapitan at pagbabarilin ng dalawang lalaki ang Amerikano, sabi ni Chief Insp. Romy Castañares, officer-in-charge ng Pikit Police.
Tinangay ng mga armado ang shoulder bag ni Keith, na may aabot sa P200,000 cash at iba pang dokumento gaya ng mga blank check at resibo, sabi ni Castañares sa kanyang ulat.
Matapos iyo’y nanakbo ang mga salarin sa Sitio Mahad, Brgy. Fort Pikit, kung saan sila sumakay ng dalawang motorsiklo na minaneho ng dalawa ring lalaki patungong Brgy. Inug-ug, aniya.
Isinugod pa si Keith sa Cruzado Medical Hospital ngunit doo’y idineklarang patay ng mga doktor. Nakatagpo naman ang mga pulis ng dalawang basyo ng kalibre-.45 pistola sa crime scene.
Sinisilip ngayon ng mga imbestigador ang posibilidad na dati nang mino-monitor ng mga salarin si Keith habang siya’y nangangalakal sa North Cotabato.
“‘Yung negosyo niya (Keith), delivery ng candies and cookies. Almost one year na niya itong ginagawa, may route siya to different towns in the province, pinupuntahan niya after every two weeks,” sabi ni Tayong sa Bandera.
“Dati siyang [member ng] U.S. Army, pero according sa kanyang wife hindi na nagpare-enlist para mag-business,” aniya pa.
Inaalam pa ng lokal na pulisya ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga salarin.

Read more...