NAGMISTULANG pormalidad na lamang para kay Christian Standhardinger ang ginanap na 2017 PBA Rookie Draft kung saan bago pa man maganap ang pilian ay una na itong nasiguro na bibitbitin ang uniforme ng isa sa mga pioneer na koponan sa liga na San Miguel Beer.
Nagsilbing seremonya na lamang ang pagtawag sa pangalan ni Standhardinger bilang No. 1 overall pick sa 2017 Rookie Draft na ginanap Linggo sa Robinsons Place Manila sa Ermita, Maynila.
Ito ay matapos na aprubahan mismo ni PBA Commissioner Chito Narvasa isang araw bago gawin ang aktibidad ang negosasyon sa pagitan ng Picanto at Beermen para sa trade kay Standhardinger.
Nakapalit ng 28-anyos na Fil-German power forward na si Standhardinger ang mga manlalaro na sina Ronald Tubid, Rashawn McCarthy, Jay-R Reyes at ang 2019 first-round pick para mapunta sa Beermen.
Matatandaan na si Standhardinger ay kinuha ni head coach Chot Reyes bilang kapalit ni naturalized center Andray Blatche para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa nakaraang 2017 FIBA Asia Cup at 29th Southeast Asian Games.
Pinili naman ng NLEX Road Warriors bilang second overall pick ang miyembro rin ng Gilas Pilipinas na si Kiefer Ravena upang idagdag sa pinapalakas nitong koponan.
Ikatlong pinili ang FEU Tamaraws standout na si Raymar Jose ng Blackwater Elite habang ikaapat si Jason Perkins sa Phoenix Fuel Masters, ikalima si Jeron Teng sa Alaska Aces, ikaanim si Robert Conrad Herndon Jr. sa Globalport Batang Pier, ikapito si Rey Nambatac sa Rain or Shine Elasto Painters, ikawalo si Sydney Onwubere sa Phoenix Fuel Masters at ikasiyam si Lervin Flores sa Star Hotshots.
Pinili ng TNT KaTropa bilang ikasampu sa unang round ang mula sa Cebu City na si Mark Jayven Tallo habang isinunod nito bilang ika-11 pick si Jon Jon Gabriel. Huling pumili sa unang round ang Barangay Ginebra Gin Kings na kinuha si Jet Manuel.
Kinuha naman ng NLEX sa ikalawang round si John Ervin Grospe habang pinili ng Star si Joseph Gabayni. Ang Blackwater ay kinuha si Emil Renz Palma habang napunta si Julian Michael Sargent sa Star. Pinili ng Beermen si Louie Philippe Vigil habang ang Alaska ay kinuha si Davonn Potts. Napili naman ng Rain or Shine si Jomari Sollano habang si Gwyne Matthew Capacio ay kinuha ng Star. Napunta si Jason Grimaldo sa Phoenix at si Monbert Arong sa TNT. Si Wilson Baltazar ay pinili ng Phoenix habang ang Fil-Swiss na si Andreas Cahilig ay napunta sa Globalport.
Kabilang naman sa mga napili sa ikatlong round sina Christian De Chavez (KIA), Gabriel Dagangon (NLEX), Ebrahim Enguio (Blackwater), Roldan Sara (Phoenix), Zachary James Nicholls (Globalport), Michael Vincent Juico ((Rain or Shine), Jeff Bulawan (Meralco), Thomas Torres (Star), Dave Moralde (TNT), Jerome Ortega (San Miguel Beer) at Elmer Mykiel Cabahug (Ginebra).
Kinuha sa ikaapat na round sina Arvie Bringas (KIA), Felix Apreku Jr. (NLEX), Kyle Drexler Neypes (Blackwater), John Karlo Casino (Phoenix), Gian Lloyd Abrigo (Globalport) at Joseph Airo Nalos Jr. (San Miguel Beer).
Huling pinili sa ikalimang round sina Christian Geronimo ng KIA at John Rey Sumido ng Blackwater.
Isa lamang ang hindi nakuha mula sa 44 lumahok sa rookie draft at ito ay si Jeremiah dela Pena.