Mga mahihirap na pusher lang ang napapatay sa war on drugs-SWS

 
Nakararaming Filipino ang naniniwala na mahihirap lamang ang napapatay sa war on drugs ng gobyerno, ayon sa survey ng Social Weather Stations. (SWS).
    Tinanong ang mga respondents kung sila ay naniniwala na: Hindi pinapatay ang mga mayayamang na drug pusher, ang pinapatay ay ang mahihirap lamang.
    Ayon sa survey, 54 porsyento (31 porsyento na lubos na sumasang-ayon at 23 medyo sumasang-ayon) ang naniniwala na mahihirap lamang ang napapatay sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
    Mas mababa ito sa 60 porsyento na naitala sa survey noong Hunyo (33 porsyentong lubos na sumasang-ayon at 27 porsyentong medyo).
    Ang mga hindi naman naniniwala na mahihirap lang ay 25 porsyento (13 na lubos na hindi sumasang-ayon at 12 porsyento na medyo sumasang-ayon). Ang undecided ay 21 porsyento.
    Pinakamarami ang naniniwala na mahihirap lang ang pinapatay sa National Capital Region (41 porsyento na lubos na sumasang-ayon at 28 porsyento na medyo), na sinundan ng iba pang bahagi ng Luzon (32 lubos at 26 medyo).
    Sumunod naman ang Visayas na may 37 porsyentong lubos at 19 porsyentong medyo at Mindanao 17 porsyentong lubos at 18 porsyentong medyo.
      Ang survey ay ginawa mula Setyembre 23-27 at kinuha ang opinyon ng 1,500 respondents.

Read more...