Janine lumabas ang bagsik sa ‘Spirit of the Glass 2’; Maxine pasado ang horror acting
SUSPENSE-HORROR film na may sense ang “Spirit Of The Glass 2: The Haunted” ni direk Joey Reyes dahil hindi lang ang mga katatakutang eksena ang aabangan mo sa pelikula, kundi pati ang kabuuan ng kuwento nito.
Hindi madugo ang “Spirit Of The Glass” at hindi rin masyadong bayolente tulad ng ibang nakasanayan na nating horror movie. Pero papatayin ka naman nito sa matinding nerbiyos at sakit ng dibdib dahil sa mga eksenang kagulat-gulat at katili-tili.
Napanood namin ang kabuuan ng pelikula sa ginanap na celebrity screening nito early this week at hindi naman kami binigo ni direk Joey at ng kanyang mga artista dahil ilang beses ding kaming napasigaw at napaigtad sa aming kinauupuan sa mga panggulat moments ng movie.
Lalo na nang bumalik na ang kaluluwa ng karakter ni Janine Gutierrez bilang isang dating beauty queen-actress na hindi matahimik dahil sa nangyari sa kanya limang dekada na ang nakararaan.
Magsisimula ang kahindik-hindik na mga tagpo sa “Spirit Of The Glass” nang magtungo sa isang lugar sa Batangas ang magbabarkada (Cristine Reyes, Daniel Matsunaga, Maxine Medina, Benjamin Alves, Ashley Ortega at Enrico Cuenca) kung saan nakuha nila ang isang ouija board na ginagamit sa spirit of the glass.
Sa paglalaro nito maaari mong tawagin at makausap ang mga ligaw na kaluluwa sa iyong paligid.
Ginamit ng magkakaibigan ang nasabing ouija board na siyang naging daan para mabuksan ang pintuan ng mga kaluluwang hindi matahimik na magiging dahilan naman para malagay sa panganib ang kanilang buhay.
Nakakatakot ‘yung eksenang ipinakita kung gaano karami ang nabulabog nilang spirits. Isa-isa silang guguluhin ng mga ispiritong nanghihingi ng hustisya sa kanilang pagkamatay.
Isa nga sa mga kaluluwang nais maghiganti ay ang karakter nga ni Janine, na sinasabing nagpakamatay matapos magpakasal sa isang mayamang binata na hindi naman niya tunay na mahal, 50 taon na ang nakararaan.
Kung bakit nais niyang maghiganti at kung ano ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay, hindi na namin ‘yan ikukuwento para walang spoiler. Basta, magugulat kayo sa bandang ending kung saan ni-reveal ang tunay na mga nangyayari.
In fairness, habang inaatake kayo ng matinding kaba at nerbiyos habang tumatakbo ang kuwento, mapapaisip din kayo kung bakit kinailangang tulungan ng tropa nina Cristine ang mga naglabasang kaluluwa mula sa basong ginamit nila sa paglalaro ng spirit of the glass.
Magaling ang lahat ng artista ni direk Joey sa movie, lalo na si Janine na first time naming nakitang magalit nang bonggang-bongga.
Kering-keri pala ng dalaga ang mga ganu’ng uwi ng role, na kahit kami ay natakot sa kanya dahil sa matinding galit na nararamdaman niya.
Gusto rin naming purihin ang akting ni Bb. Pilipinas-Universe Maxine Medina dahil for a first timer, pasadung-pasado na siya sa amin.
Marunong umarte ang dalaga, meron siyang timing, kaya hindi na kami magtataka kung masundan pa ang kanyang unang pelikula.
Kasama rin sa pelikula sina Aaron Villaflor, Dominic Roque, Teri Malvar at marami pang iba. Showing na ito ngayong darating na Undas, Nov. 1, sa mga sinehan nationwide. Perfect ito para sa mga magbabarkada na matagal nang hindi nakakapag-bonding!
q q q
Habang pinanonood namin ang “Spirit Of The Glass”, naalala namin ang sinabi ni direk Joey Reyes tungkol sa isang bahagi ng lumang bahay kung saan sila nag-shooting. May mga na-experience raw kasi silang kakaiba sa nasabing lugar.
Huli na nang malaman niya na may isang lola raw doon na namatay dahil sa sakit na cancer.
“We were shooting in a room na laging sumasakit ‘yung tiyan ko. Sinisikmura ako at mararamdaman mo na there’s another presence in the room.
“‘Yung video assist, ‘yung isang camera laging nasisira. Then they said we have to pray and ask permission, then naging okay na,” pahayag pa ng direktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.