Ginebra tatapusin na ang Meralco

Laro Ngayon
(Philippine Arena)

7 p.m. Barangay Ginebra vs Meralco
INAASAHANG daragsa sa napakalaki at napakalawak na Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ang libu-libong Ginebra die-hards para magbigay suporta sa paboritong koponan sa best-of-seven Finals ng PBA Governors Cup.
Lamang sa serye ang Barangay Ginebra kontra Meralco Bolts, 3-2, at kung muling magwawagi ang Gin Kings sa Game Six ngayon na tulad nang nangyari sa Game Five noong Linggo na ginanap din sa naturang world-class arena ay makokopo nilang muli ang titulong kanilang napagwagian noong isang taon laban din sa parehong koponan.
Tinambakan ng Ginebra ang Meralco sa Game One, 102-87, at nakaulit sa Game Two, 76-86.
Nakabawi naman ang Bolts sa Game Three, 94-81, at Game Four, para maitabla ang serye.
Sa Game Five noong Linggo ay dumagundong at umalingawngaw ang Philippine Arena nang magwagi ang Ginebra, 85-74, sa harap ng 36,455 PBA fans na naroon.
Iyon ang ikatlong panalo ng Ginebra sa tatlong laro nito na ginanap sa Philippine Arena. Bago ang panalo ng Ginebra sa Game Five ay nagwagi din ang Gin Kings sa season opener ng 2014 season laban sa Talk ‘N Text at muli itong nanalo sa Christmas Day duel noong isang taon kontra Star Hotshots.
At sa ikaapat na pagkakataon mamaya ay maglalaro ang Ginebra sa Philippine Arena at umaasa ang mga never-say-die fans nito na magpapatuloy ang suwerte ng koponan sa naturang venue.
Pero huwag mo itong sabihin sa Meralco Bolts at kay Allen Durham na dalawang beses nang tinanghal bilang Best Import ng liga.
Tiyak na gagawin ng Bolts ang lahat ng makakaya nito para patahimikin ang “barangay” at maitulak pa ang serye sa Game Seven.

“It’s do-or-die for us and we just have to play our best game to stay alive,” sabi ni Meralco head coach Norman Black
Bukod kay Durham ay aasa rin si Black kina Garvo Lanete, Anjo Caram, Cliff Hodge, Jared Dillinger at sa beteranong si Reynel Hugnatan.
Sa kabilang dako, sasandal naman si Ginebra mentor Tim Cone kina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio, Joe Devance, Scot Thpmpson at ang masipag na import na si Justin Brownlee.

Read more...