GAGASTOS ng P400 bilyon ang gobiyerno upang mai-rehabilitate o maibalik sa dati ang Marawi City.
Ito’y napakalaking halaga dahil kung kukunin ito sa national budget ay kulang.
Hindi maaasahan ang dalawang primary revenue collection agencies— ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs—na pondohan ang rehabilitation ng Marawi City dahil hindi nga magkandatoto ang dalawang ahensiya na pondohan ang national budget sa darating na taon.
Isa pa, malaking halaga na dapat ay mapunta sa gobiyerno ay napupunta sa mga bulsa ng mga kurakot na opisyal at empleyado ng BIR at customs; but that’s another story.
Tinitingnan ng administrasyon ni Pangulong Digong ang iba pang mga pagkukunan ng pondo sa Marawi gaya ng mga uncollected na mga buwis at tarifa sa mga delinquent taxpayers at smugglers.
President Digong is on the right track in this regard.
Nakakolekta na ng bilyon-bilyong piso ang administrasyon sa Mighty Corp. at sa Del Monte Corp.
Ang hindi nakikita ng gobiyerno ni Digong ay ang P115 bilyon (repeat, P115 B) na pagkakautang ng Pilipinas Shell Corp. sa gobiyerno sa mga hindi pagbayad o kulang ng pagbayad nito ng tarifa sa mga produktong petrolyo.
Iniakyat ng Shell sa Supreme Court ang kaso.
Nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Kataas-taasang Hukuman sa Bureau of Customs habang ang apela ng Shell ay dinidinig nito.
Dapat pakiusapan ng Duterte administration ang Supreme Court na alisin na ang TRO upang mabayaran na ng Shell ang gobiyerno.
Kailangan kasi ng gobiyerno ng pera upang maisakatuparan ang mga proyekto nito gaya ng Marawi rehabilitation.
***
Ilang kaibigan kong mga Amerikano na malapit kay US President Donald Trump ang nagpahayag na dapat ay huwag pakialaman ng ibang bansa, kasama na rito ang US, ang Pilipinas sa kampanya nito laban sa droga.
Mahaba-haba rin ang pakikipag-usap sa mga kaibigan kong Kano nang ako’y magbakasyon sa US kamakailan.
Isa sa kanila ay dating California state senator na di ko muna pangangalanan.
Ang dating state senator ay nagsabi na tinitingnan ng Trump administration ang kampanya ni Digong laban sa droga “with cold neutrality.”
Kaya’t ang mga pronouncements ng ibang US government agencies na tinutuligsa si Digong sa kanyang unorthodox method ay hindi galing sa White House.
Aniya, kung si Trump lang ang masusunod, gagayahin niya si Digong.
By the way, ang dating California state senator ay isa sa mga kandidato na maging US ambassador to the Philippines.
***
Si Digong lang sa lahat ng ating naging pangulo na nakakapagmura sa mga mayayamang bansa na nakikialam sa pamamalakad sa ating bayan.
Hindi sanay ang mundo na makakita o makarinig ng pagmumura ng isang lider ng maliit na bansa sa mga mayayamang bansa.
Para sa mundo, parang di kapani-paniwala ang kanilang napagmamasdan dahil ang mga nauna kay Digong na mga pangulo ay halos halikan ang mga puwit ng mayayamang bansa dahil baka ipagkait nila ang foreign aid sa Pilipinas.
Ang nakita nilang spectacle o di kapani-paniwala ay ang pagtanggi ni Digong ng mga donasyon galing sa European Union countries sa rehabilitation ng Marawi.
Dapat nating ipagmalaki si Digong, kahit na ano pa man ang damdamin natin sa kanya, dahil siya lang ang nakakagagawa nito sa mga mayayamang bansa.
***
Sinibak sa kanyang puwesto si Chief Insp. Gideon Ines, hepe ng Makati police community precinct (PCP) No. 10.
Inilagay siya sa administrative holding unit ng Southern Police District matapos nilantad ng aking programang “Isumbong mo kay Tulfo” ang tunay na pangyayari tungkol sa pagkakabaril niya sa isang residente ng Barangay Rizal.
Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Human Rights (CHR) si Ines at maaaring sasampahan siya ng kasong kriminal at administratibo batay sa nakalap ng “Isumbong” sa mga nakakita sa buong pangyayari.
Binaril ni Ines sa likod ang binatang si Christian Manlolo na napagbintangan niyang nagpa-pot session sa kalye.
Pero ayon sa mga ka-barangay ni Christian walang ginawang masama ang binata at ito’y nagpapahangin lang sa labas ng kanyang bahay nang madatnan ito ni Ines.
Tingnan mo ang katangahan ng pulis na si Ines. Naturingan pang chief inspector ng pulisya.
Bakit naman magpa-pot session si Christian sa kalye in full view of his neighbors samantalang alam ng taumbayan ang kinahihinatnan ng mga adik at pusher?