Baby ibinaon nang buhay ng nanay

TAGBILARAN CITY—Nahaharap sa kasong infanticide ang isang ina makaraan niyang ibaon nang buhay ang kanyang bagong silang na anak na lalaki sa Taloto Distict, Tagbilaran City, Bohol.

Sinampahan ng kasong infanticide sa city prosecutor’s office sina Mariante Madelo, 23, at dalawang iba pa — Abigail Gerevola, 18 at Judy Timbogan, 19 — na umano’y tumulong sa kanya sa paglilibing sa sanggol noong Hunyo 11. Kasalukuyang nakadetine sa Bohol Provincial Police Office detention cell.

Subalit sinabi ni Madelo sa pulisya na patay na ang kanyang anak nang isilang niya ito sa isang lodging house sa Tagbilaran City alas-3 ng umaga noong Martes.

Ayon sa imbestigador, nagtungo sa bakanteng lote sa Purok 5, Taloto District si Madelo kasama ang kanyang pinsan na si Gerevola at ang boyfriend ng huli na si Timbogan tanghali noong Hunyo 11, siyam na oras makaraan siyang manganak.

Isang saksi ang nagbunyag sa pulisya na humukay ng mababaw na hukay sa bakanteng lote ang tatlo kung saan ibinaon ang baby. Sinabi ni PO1 Johndel Senerpida ng Tagbilaran police na nakatanggap sila ng ulat mula sa isang nagpakilalang Kag Zamora na mayroong inilibing na sanggol sa Purok 5.

Nagtungo ang mga pulis sa lugar at doon ay nahukay nila ang katawan ng bata na may nakakabit pang inunan at isinilid sa paper bag.Makaraang magtanung-tanong, agad na nakilala at nadakip ng mga otoridad ang tatlong suspek.

Read more...