Laro sa Martes
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. Letran vs San Sebastian
ISINALBA ni Jeo Ambohot ang Letran sa kanyang follow-up sa natitirang 3.3 segundo ng laro upang panatiliing buhay ang tsansa ng Knights sa Final Four sa pagpapalasap ng 70-68 kabiguan sa Arellano University Chiefs sa matira-matibay na playoff game ng NCAA Season 93 men’s basketball Biyernes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Hindi sinayang ng 6-foot-6 na si Ambohot ang panahon matapos na sumablay ang atake ng kakampi na si Rey Nambatac sa huling 7.6 segundo upang itulak muli sa pagkapit sa abante ang mga Knights, 69-68, tungo sa pagsungkit ng panalo.
Una munang naghabol ang Knights sa 64-66 matapos ang isang tres ni Levi Dela Cruz ng Chiefs. Isang tres ni JP Calvo ang nagbalik ng abante sa Knights sa 67-66 bago inagaw ng Chiefs ang bentahe mula sa dalawang free throw ni Renze Alcoriza, 68-67.
Inatasan na ni Letran coach Jeff Napa ang pangunahin nitong manlalaro na si Mambatac para umatake subalit hindi nito naipasok ang bola dahil sa tatlong nakaharang na bantay. Gayunman, nakawala si Ambohot, na matatandaang nagtamo ng bali sa kamay sa pagsisimula ng torneo noong Agosto, upang ibalik ang bola para sa abante.
Huling nagtangka ang Chiefs na agawin ang panalo subalit hindi nito nakumpleto ang offensive play mula sa inbound ni Dela Cruz matapos tumama ang bola sa rim ng goal at tumalbog palabas para sa turnover.
Bunga ng panalo, ikinasa ng Knights ang ikalawang playoff game para sa huling Final Four spot kontra San Sebastian College Stags sa Martes.
“Kinausap ako ng mga teammates ko na gusto nila ibigay ang laro para sa akin. Gusto pa daw nila ako makasama. Gusto nila ialay sa akin ang laro bago ako magtapos,” nasabi lamang ni Nambatac na nagtala ng 25 puntos, siyam na rebound, tatlong assist at isang steal.