June Mar Fajardo nakuha ang ika-4 diretsong PBA MVP award

TULAD ng inaasahan nauwi ni San Miguel Beermen center June Mar Fajardo ang kanyang ikaapat na diretsong Philippine Basketball Association (PBA) season Most Valuable Player award sa ginanap na 2017 PBA Annual Awards-The Leos Biyernes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Nagawa ito ng 27-anyos na si Fajardo sa loob lamang ng limang season na paglalaro sa PBA at siguradong marami pa siyang parangal na makakamit sa mga darating na taon.

Maliban sa MVP award napabilang din si Fajardo sa First Mythical team at All-Defensive Team.

Nakasama ni Fajardo sa First Mythical team ang mga kakamping sina Chris Ross, Alex Cabagnot at Arwind Santos pati na si Barangay Ginebra Gin Kings forward-center Japeth Aguilar.

Maliban kina Fajardo, Ross at Aguilar napabilang din sa All-Defensive Team sina Rain or Shine swingman Gabe Norwood at Star Hotshots rookie guard Jio Jalalon.

Binuo naman nina Jason Castro at Kelly Williams ng TNT KaTropa Texters, Joe Devance at LA Tenorio ng Barangay Ginebra at Cliff Hodge ng Meralco Bolts ang Mythical Second Team.

Kinilala rin si Ross bilang Most Improved Player habang si Norwood ay pinarangalan bilang Samboy Lim Sportsmanship awardee.

Si TNT KaTropa guard Roger Pogoy ang tinanghal naman na Rookie of the Year.

Read more...