MABABAWASAN pa ang inuwing gintong medalya ng Pilipinas sa 29th Southeast Asian Games matapos patawan ng suspensiyon ng Federation Equestre Internationale (FEI) ang pares nina John Colin Syquia at kabayo na si Adventure E na nagwagi sa showjumping event ng torneo na ginanap noong Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa inilabas na apat na pahinang dokumento ng Table of Suspension ng FEI noong Oktubre 17 ay ikatlo sa listahan ng pinatawan ng suspensiyon ang Pilipinas na inirepresenta ni Syquia kasama ang kabayo matapos pumalya na makapasa sa isinagawang regular na doping test sa bawat mga kalahok sa torneo.
Inulat ng FEI na ang kabayo na si Adventure E ang nakitaan ng ipinagbabawal na gamot.
Matatandaan na kasama ang kabayo ay nagawa ng 46-anyos na isinilang sa Quezon City na professional equestrian at horse dealer na si Syquia na magwagi ng gintong medalya sa event na show jumping.
Ang gintong medalya ni Syquia, na una sana para sa asosasyon ng Equestrian na pinamumunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco Jr., sapul noong huling manalo sa 2011 Palembang ay posible na agad bawiin ng Malaysian SEA Games Organizing Committee dahil sa paglabag sa ipinagbabawal na gamot.
Kasama ni Syquia, na ibinigay ang ika-23 gintong medalya ng bansa sa 29th SEA Games, na masususpinde sa loob ng dalawang buwan ang sinakyan nitong si Adventure E base sa kautusan ng FEI.
Una nang iniulat na isang Malaysian gold medal winner din at dalawang iba pa ang hindi nakapasa sa isinagawa na dope test mismo ng World Anti-Doping Agency (WADA) at SEA Games Federation (SEAGF) Medical and Anti-Doping Committee.
Ipinaliwanag ni SEAG Anti-Doping Committee Head, Datuk Dr. SS Cheema na base sa adverse analytical finding -na isinagawa ng WADA-accredited lab sa New Delhi, India, nakitaan ng mga banned substance sa Sample A ang tatlong atleta.
“We have received the AAF reports from the lab in New Delhi about a fortnight ago which confirmed the presence of the banned substance from three athletes who took part in the KL 2017. However, we can not jump to a conclusion by saying all three are guilty until a thorough investigation is carried out by the respective parties,” sabi ni Dr. Cheema, na siya din na Olympic Council of Malaysia (OCM) Medical and Anti-Doping Committee Chairman.
Ipinaliwanag din nito na bibigyan naman ng pagkakataon ang mga atleta na mapabulaanan ang findings sa pag-test sa Sample B sa pagdalo sa SEAGF Hearing Committee.
“SEAGF will revoke the medal if any of the athletes are medal winners and the International Federation of their respective sport will decide on what course of action to be taken if any of them failed the dope test,” sabi nito.
May kabuuang 799 urine samples at 32 blood samples ang kinolekta sa mga atleta na sumabak sa KL SEAG 2017.