Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Lyceum vs San Beda
4 p.m. San Sebastian vs Perpetual
Team Standings: *Lyceum (17-0); *San Beda (16-1); *JRU (11-7); Letran (9-9); Arellano (9-9); San Sebastian (8-9); EAC (7-11); Perpetual Help (4-13); St. Benilde (4-14); Mapua (3-15)
* – semifinalist
AGAD na tumuntong sa pangkampeonatong serye ang hangad ng Lyceum of the Philippines University Pirates ngayon sa pagtatangka nitong iuwi ang ika-18 diretsong panalo at mawalis ang eliminasyon sa pagsagupa sa defending champion San Beda College Red Lions sa NCAA Season 93 men’s basketball sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Pilit na sasamantalahin ng Pirates ang bihirang pagkakataon na agad okupahan ang isa sa dalawang silya sa kampeonato sa pagsagupa nito sa pilit na puputol sa diretso nitong pagwawagi at asam na bagong rekord sa liga na Red Lions ganap na alas-2 ng hapon.
Maghaharap din sa importanteng ikalawang laro ang San Sebastian College Stags na asam makihalo sa mahigpit na labanan para sa pinag-aagawang ikaapat at huling silya sa pagsiguro sa playoff kontra University of Perpetual Help Altas dakong alas-4 ng hapon.
Puwersado ang Stags, na bitbit ang 8-9 panalo-talong kartada, na ipanalo ang laban nito kontra Altas na wala nang tsansa sa semifinals dahil sa 4-13 panalo-talong karta. Ang panalo ng Stags kontra Altas ay magpapantay dito sa Letran Knights at Arellano Chiefs na kapwa may 9-9 record.
Sakaling magpantay-pantay sa 9-9 record ang San Sebastian, Letran at Arellano, makukuha ng Stags ang bye dahil sa mas mataas na point differential habang mahuhulog sa matira-matibay na unang playoff game ang Knights at Chiefs. Ang magwawagi sa Knights at Chiefs ang siya naman sasagupa sa Stags sa ikalawang knockout match.
Magkakaroon din ng kumplikasyon kung sakaling mawalis ng Lyceum ang lahat ng laro nito kung mananalo sa San Beda dahil sa magkakaroon ng stepladder semifinals. Mawawala ang twice-to-beat na bentahe ng Red Lions at hihintayin nito ang magwawagi naman sa playoff para sa ookupa sa ikatlo at ikaapat na puwesto.
Base sa NCAA, ang gagamiting format sakaling mawalis ng Lyceum ang daan tungo sa finals ay best-of-three at hindi ang dating thrice-to-beat. Ito ang unang taon na ang nasabing rule ay isasagawa ng liga.