88% ng Pinoy suportado ang drug war; 73% naniniwala sa EJKs-Pulse Asia

    Suportado ng mga Filipino ang kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot pero natatakot sila na matulad sila o kanilang pamilya sa sinapit ni Kian delos Santos na sinabing hinuli at pinatay ng mga pulis.
    Ayon sa survey ng Pulse Asia na ginawa mula Setyembre 24-30, suportado ng 88 porsyento (44 truly support at 47 porsyentong support) ang war on drugs samantalang dalawang porsyento lamang ang hindi sumusuporta rito. Ang undecided naman ay siyam na porsyento.
    Naniniwala naman ang 73 porsyento na nangyayari ang extrajudicial killings sa kampanyang ito, mas mataas sa 67 porsyento na naitala sa survey noong Hunyo. Ang mga hindi naman naniniwala ay 20 porsyento, bumaba mula sa 29 porsyento. Ang undecided ay pitong porsyento mula sa apat.
    Siyamnapu’t apat na porsyento naman ang nakakaalam sa kuwento kaugnay ng sinasabing pagpaslang kay delos Santos ng mga pulis. Si delos Santos umano ay hinuli ng mga pulis at pinatay ng walang kalaban-laban.
    Natatakot naman ang 76 porsyento na mangyari sa kanila, sa kanilang pamilya, kamag-anak o kakilala ang nangyari kay delos Santos.
    Labing-isang porsyento ang hindi nababahala at 13 porsyento ang undecided.
    Sa tanong kung ano ang dapat na gawin ng Simbahang Katolika sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot, sinabi ng 58 porsyento na dapat tumulong ito sa rehabilitasyon ng mga adik. 46 porsyento naman ang nagsabi na dapat bantayan nila ang kampanya, 40 porsyento ang nagsabi na dapat magpalabas ito ng pahayag laban sa mga pagpatay, 28 porsyento ang nagsabi na dapat tumulong sa mga kaso laban sa mga tiwaling tagapagpatupad ng batas, 13 porsyento ang nagsabi na dapat huwag silang maki-alam at 11 porsyento ang nagsabi na humingi ng tulong sa international communities upang mapilitan ang Duterte government na itigil ang Oplan Tokhang.
    Sa tanong kung mayroong alam na isinagawang anti-illegal drug operation sa kanilang barangay, 77 porsyento ang nagsabi na meron at 21 porsyento ang wala. Naging maayos ang operasyon ayon sa 86 porsyento at naging marahas ayon sa 11 porsyento.
      Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents at mayroon itong plus/minus tatlong porsyentong margin of error at 95 porsyentong confidence level.

Read more...