NAKADIKIT pa rin kay Glaiza de Castro ang role niyang tomboy sa GMA series na The Rich Man’s Daughter. Sa nakaraang biyahe nila ng kaibigang si Angelica Panganiban sa Nepal at Bhutan, nilagyan ng malisya ang pagsasama nila.
“Ay, babae kami pareho ni Angge! Ha! Ha! Ha! Hindi totoo ‘yon,” bulalas ni Glaiza nang makausap namin sa pocket presscon ng concert niyang “Kun(g) Di Man.”
Nu’ng huli niyang concert sa Music Museum, na-ging malakas ang benta nito dahil sa pagkakaroon niya ng fans na tibo. Si Rhian Ramos pa na “nakaulayaw” niya sa nasabing Kapuso serye ang guest kaya bentang-benta silang dalawa sa LGBT community.
“I have high respect for them. Kaya nandoon din ang pagbibigay ko ng importansiya sa katulad nila. Pero babae ako! Ha! Ha! Ha!” diin ni Glaiza.
Ang concert ng multi-talented artist sa Music Museum sa Oct. 27 ay alay niya sa kanyang lolo na mahilig gumawa ng tula noong nabubuhay pa.
Kaya naman sa bagong album niya na “Magandang Simulain” mula sa PolyEast Records, pawang OPM ang laman nito, may cover version siya ng mga kantang “Bato Sa Buhangin”, “Dukha”, “Itanong Mo sa mga Bata” at “Ang Himig Natin” ni Mike Hanopol na isa sa guests niya sa concert kasama ang rapper na si Gloc 9.