Ateneo Blue Eagles rumaragasa sa ika-8 sunod panalo


Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. UST vs FEU
4 pm DLSU vs UP
Team Standings: Ateneo (8-0); DLSU (6-2); Adamson (5-3); FEU (4-4); UP (4-4); NU (3-5); UE (2-6); UST (0-8)

NANATILI pa rin ang natatanging malinis na kartada ng Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos nitong biguin ang Adamson University Soaring Falcons, 71-59, sa ikalawang paghaharap sa eliminasyon ng UAAP Season 80 men’s basketball Sabado sa Araneta Coliseum.

Agad na kinontrol ng Blue Eagles ang laro sa unang yugto pa lamang sa paghulog ng 16 puntos habang nilimita ang Falcons sa 10 puntos lamang bago unti-unting lumayo sa ikalawang yugto para itala ang pitong puntos na abante sa pagtatapos ng first half, 31-24.

Nagawa pang itaas ng Blue Eagles ang abante sa 20 puntos sa ikatlong yugto, 65-45, bago na tuluyang inuwi ang ikawalong sunod nitong panalo habang pinutol naman nito ang apat na diretsong pagwawagi ng Falcons na kahit nanatili sa ikatlong puwesto ay nahulog sa 5-3 panalo-talong kartada.

Pinamunuan muli ni Ferdinand “Thirdy” Ravena III ang Blue Eagles sa kinolekta nitong 15 puntos, 9 rebound at dalawang assist habang may tigwalong puntos sina Marvin Tolento at Jolo Go.

Samantala, muling nanggulat ang University of the East Red Warriors matapos nitong gulantangin ang National University Bulldogs sa paghugot sa ikalawang sunod na panalo at una nitong winning streak sa itinalang 90-77 panalo sa unang laro.

Sinandigan ng Red Warriors sina Mark Olayon, Will Bartolome at Mark Maloles matapos na unang magpamalas ng dominanteng paglalaro si Alvin Pasaol sa first half upang itulak ang kanyang koponan sa 2-6 panalo-talo na karta.

Nagtala si Olayon ng 17 puntos, walong assist at anim na rebound habang si Pasaol ay umiskor ng 11 puntos bago tuluyang inupo sa ikaapat na yugto.

“We’ve talked about it. If we want to make a run we have to start the second round on a winning note. We just came in there and played well,” sabi ni UE head coach Derrick Pumaren.

Read more...