Angat ang Bolts?

SINO nga ba ang nakaangat sa duwelo ng Barangay Ginebra at Meralco sa best-of-seven championship series ng PBA Governors’ Cup?

Wala raw. Parehas lang daw.

Ginebra raw dahil sa height advantage nito. Meralco raw dahil mas mahusay si Allen Durham na siyang reigning Best Import. Mahirap daw na mapigilan.

Teka, teka, teka.

Ano ba ang kaibahan sa serye sa ngayon ng Gin Kings at Bolts noong isang taon at sa mangyayari ngayon?

Simple: Sina Gregory Slaughter ng Gin Kings at Ranidel de Ocampo ng Bolts.

Iyan ang malaking diperensiya.

Noong isang taon ay hindi nakasama ng Gin Kings si Slaughter dahil sa mayroon itong knee injury.

Ang tagal nga niyang nawala. Halos isang taon siyang hindi pinakinabangan ng Barangay Ginebra at hinintay.

Pero kahit na wala si Slaughter ay nakarating ang Gin Kings sa Finals ng Philippine Cup kung saan dinurog sila ng San Miguel Beer, 4-1.

So, kung sumegunda ang Gin Kings sa Beermen, ibig sabihin sila ang may ikalawang pinakamalakas na lineup. Kahit na wala si Slaughter.

E, paano pa ngayong nandiyan na si Slaughter? Lalo silang lumakas, hindi ba?

Hindi nga lang sila nakaabot sa Finals ng Commissioner’s Cup dahil sa minabuti ni coach Tim Cone na pabalikin agad ang maliit na si Justin Brownlee bilang import kahit na puwede sanang kumuha ng mas matangkad na reinforcement.

Natural nadehado sila dahil mas higante ang import ng ibang teams. Pero pumasok pa rin sila sa semifinal round.

At ngayong nakabalik si Brownlee na makakasama ni Slaughter, aba’y sobra naman ang lakas ng Gin Kings. Parehas lang naman ang tangkad nina Brownlee at Durham. Kung puwedeng maging dominante ni Durham, puwede rin namang maging explosive si Brownlee.

Ang trump card ng Meralco ay si de Ocampo na nakuha buhat sa TNT KaTropa kapalit ni Justin Chua. Hindi nga ba napakalaking upgrade nun? Hindi naman ginagamit si Chua, e. Si de Ocampo ay isang beteranong internationalist.

Sanay na sanay na si de Ocampo sa championship series at marami na siyang titulong napanalunan. Katunayan ay naparangalan na rin siyang Finals Most Valuable Player.

So, bitbit niya ang championship experience na puwedeng ibahagi niya sa mga hilaw na kakampi.
Ani de Ocampo nga noong press conference na ginanap noong Martes, “Ipinamigay ako ng TNT, ngayon sila ang wala sa Finals. Ako nandito ulit!”

Ang diperensiya nga lang kina Slaughter at de Ocampo.

Si de Ocampo ay beterano at may kampeonato. Si Slaughter ay wala pa.

So sino ang nakalalamang?

Read more...