NGAYON pa lang ay hinuhulaan nang sa kangkungan ang bagsak ng mga kandidato sa pagkasenador ng PDP-Laban para sa 2019 midterm elections.
Maliban kina Senate President Koko Pimentel at dating MMDA chair Francis Tolentino, na tumakbo at natalo noong nakaraang eleksyon, ay hindi pang national ang mga pangalang pinalulutang mismo ni Pimentel, ang pangulo ng partido.
Sige nga, sino na sa inyo ang nakarinig na sa mga pangalang Karlo
Nograles, Geraldine Roman at Alfredo Benitez? May tunog ba ang pangalang iyan? Masakit man, da-who ang deskripsyon sa mga ito.
Isa pa sa personalidad sa listahan ay itong si Rodolfo Fariñas. Da-who na nga sa Visayas at Mindanao ay puro palpak pa ang nais ipanukala sa Kamara. Siya lang naman ang mambabatas na sinabihan ang mga traffic enforcement agencies na huwag nang hulihin ang mga kongresista na la-labag sa batas trapiko, kahit pa makasagasa, kung patungo ang mga ito sa trabaho. Siya rin ang nagpanukala na lumikha ng sariling police force na magpoprotekta sa mga miyembro ng Kongreso. Di ba panira sa line-up?
At paano rin pagtitiwalaan ng taumbayan itong sina Fariñas, Roman at Benitez gayung mga miyembro sila ng Liberal Party mula 2010 hanggang 2016 at nagsilipatan lang ng partido nang ma-talo ang pambato nilang si Mar Roxas at manalo si Pangulong Duterte?
Wala ring binatbat ang limang ito kung ikukumpara sa mga kababaihang re-electionists tulad nina Cynthia Villar, Nancy Binay at Grace Poe. Wala na silang pupuwestuhan dahil tiyak na ang panalo ng mga tatlong ito.
E idagdag mo pa sa “Magic 6” sina Davao City Mayor Sara Duterte, Ilocos Norte Vice Gov. Imee Marcos at Karen Davila, na malakas din ang ugong na minamataan ang Senado, tiyak na kulelat na ang mga manok ng PDP-Laban.
Pwede pa sanang makasilat itong si Koko, na kasama rin sa listahan, pero paano siya makatatakbo gayung hanggang dalawang magkasunod na termino lang para sa senador ang pinapayagan sa batas. Matatandaang nagsilbi lamang siya ng mahigit isang taon ng kanyang unang termino bunsod ng kanyang electoral protest laban kay Juan Miguel Zubiri. Tumakbo siya at nanalo sa ikalawang termino noong 2013.