Malditang aktres maraming drama pag inaatake ng katamaran

ILANG beses nang sinubukang baguhin ng isang kilalang female personality ang kanyang ugali, kailangan niya kasing gawin ‘yun, pero hindi nga nababago ang naturalesa ng tao.

Kung ano ka ay ‘yun ka na talaga. Hindi kasi naituturo ang kagandahang-asal, kakambal na ‘yun ng tao sa kanyang pagkapanganak, hindi na mababago kundi mapipino lang.

Sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay naging paksa ang isang pamosong female personality na kahit nu’ng nagsisimula pa lang sa pag-aartista ay kinakitaan na ng kamalditahan ng kanyang mga katrabaho.

Ordinaryong artista pa lang siya nu’n, pero kakaiba na ang talas ng kanyang dila, madiin na siyang magsalita, samantalang wala pa nga siyang napatutunayan.

Sabi ng isang source, “Nu’ng magka-name na siya, lalong napansin ng mga kapwa niya artista ang kamalditahan niya. Simple lang siyang umatake, pero kumakagat. Maldita siya talaga!

“Kung makaasta ang babaeng ‘yun, e, parang siya ang may-ari ng production. Parang siya ang namumuhunan dahil sa katarayan niya,” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Marami rin pala siyang drama kapag ayaw niyang magtrabaho. Kahit pa siya ang bumibida sa isang serye, at kailangang-kailangan siya sa maraming eksena, ay inaapuntahan siya ng kaartehan kapag tinatamad siyang mag-work.

“Naku, sanay na sa kanya ang mga staff, kayang-kaya niya kasing gawin ang magpa-pack-up kapag tinatamad siyang magtrabaho. Marami siyang drama!

“Kesyo maysakit ang isang taong love na love niya, kesyo natapilok siya at hindi siya makapaglakad nang maayos, kesyo may LBM siya, marami siyang naiimbentong kuwento!

“Ang nakakatakot, e, baka dumating ang time na magtampo sa kanya ang kapalaran. Hindi pa naman siya kagalingang artista, beautiful lang siya, ‘yun lang ang puhunan niya.

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, pakipangaralan n’yo ang babaitang ito, ha? Kundi kayang sohetohin ng mister niya ang malditang ito, sino pa kaya ang pakikinggan niya? Aaaaawwww!!!!” pagtatapos ng aming source.

Read more...