Aga natagalang gumawa uli ng pelikula dahil sa katabaan


BUMABALIK na ang dating katawan ni Aga Muhlach. Mahigit 25 pounds na ang nabawas sa timbang niya kaya medyo maliit na ang tiyan niya kumpara noong huling presscon niya para sa Pinoy Boy Band Superstar.

Ang daming pumuri sa aktor nang humarap siya sa press para sa media launch ng bago niyang pelikula, ang “Seven Sundays” under Star Cinema kasama si Dingdong Dantes.

At dahil nakabalik na nga si Aga sa pelikula pagkalipas ng anim na taon ay biniro na niya ang direktor nila sa pelikula na si Cathy Garcia-Molina na gumawa na rin sila ng sitcom.

Sabi ng aktor, “Sana nga magka-sitcom kami. Gagawin na yata. Si Direk Cathy magdidirek kasi gusto niya sitcom. Dong, puwede ka ba (magpaalam sa GMA)?” Sagot naman ni Dingdong, “Ikaw na bahala, Kuya (Aga).”

Baling ni Aga kay direk Cathy, “Direk, ngayon na nakasama kita, gagawa ako ng teleserye, ikaw ang direktor. Gusto ko tulad ni Enrique (Gil), sa Baguio (Forevermore), para hindi mainit.

“Si Aga Muhlach ‘yan. Oo-oo ako, pero sana umabot siya kasi dalawang taon na lang ako (plano na raw niyang mag-retire sa pagdidirek),” saad ng direktora.

Hirit naman ni Aga, “Kakabalik ko lang after six years, ikaw naman ang aalis. Trabaho muna tayo ng isang teleserye. O kaya isang sitcom.”

Bakit nga ba inabot ng six years bago nakabalik si Aga sa pelikula? “It’s my being overweight! I struggled for how many years trying to lose weight. Every year na may nag-o-offer sa ‘kin ng love story, parang…hindi ko kaya na lumabas na leading man na ganitong itsura ko,” katwiran ni Aga.

Ang “Seven Sundays” ay kuwento ng magkakapatid na iba’t iba ang ugali, ang karakter ni Aga ang panganay sa kuwento at hindi raw niya kailangang magpapayat dahil taga-probinsya siya kasama ang pamilya.

“When the script was offered, sinabi sa akin na ‘You don’t have to lose weight. You’re okay. But if you want to diet along the way, then go ahead, but the character doesn’t ask for that.

“Of course, nag-start naman ako mag-diyeta rin, magda-diet ako if I’m pushed against the wall. If you really watch the movie, makikita mo talaga, maputing buhok, malaki ang tiyan. Parang napag-iwanan talaga,” kuwento niya.

Tinanong ang cast kung nakaka-relate ba sila sa kuwento ng “Seven Sundays” kung saan ang sentro ng kuwento ay ang malapit nang pagyao ng padre de pamilya sa kuwento (Ronaldo Valdez).

Tugon ni Aga, “When my mom died in 2008, namatay siya dahil sa cancer, she was 56 years old. Ako naman, in real life really, meron akong acceptance with death. Death sa akin is parang part of life, when someone goes, it’s their time, I cried but hindi ko dinala, hanggang ngayon hindi ko dala-dala.

“Basta sa sarili ko nakahanda ako na one day, sana mas mahaba para makita ko ‘yung mga anak ko, magsilakihan pa, I know if it’s my time, it comes, ganu’n, eh. Ako ‘yung tipong anak na in-denial, alam mo ‘yung iba (anak) na dalang-dala at magsasabing ‘okay lang ‘yan.’ Pero masakit din. Hindi ako nagre-react, eh, walang ganu’n,” kuwento ni Aga.

Gustong makasama ni Aga ang pamilya kapag may natitira na lang na “Seven Sundays” sa buhay niya.

Anyway, ngayong gabi ang premiere night ng pelikula sa SM Megamall Cinema 7 at mapapanood na ito sa Okt. 11, Miyerkules sa buong Pilipinas.

Bukod kina Aga at Dingdong, kasama rin sa movie sina Enrique Gil, Cristine Reyes, Donita Rose, Kean Cipriano, Ketchup Eusebio, April Matienzo, Jeffrey Tam, Kyle Echarri, Kin Billote, Angelee Cruz, Gabrie Iribagon at Alyanna Angeles.

Read more...