Arellano Chiefs dinurog ang St. Benilde Blazers


Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. San Beda vs EAC
2 p.m. JRU vs San Sebastian
4 p.m. Lyceum vs Letran
Team Standings: Lyceum (15-0); San Beda (14-1); JRU (9-6); Letran (8-7); San Sebastian (7-7); EAC (6-9); Arellano (6-9); Perpetual (4-11); Mapua (3-12); St. Benilde (3-13)

TINAMBAKAN ng Arellano University Chiefs ang College of St. Benilde Blazers, 95-65, kahapon upang panatiliing buhay ang katiting na tsansang makaagaw ng silya sa Final Four ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan.

Pinamunuan ni Kent Salado ang Chiefs sa itinala nitong 16 puntos at 11 assists.

Ito ang ikaanim na panalo kontra sa siyam na kabiguan para sa Chiefs, na kasalukuyang kasalo sa ikaanim na puwesto ang Emilio Aguinaldo College Generals.

Samantala, inaasahang magiging hitik sa aksyon ang tatlong engkuwentro ngayon sa pagitan ng anim na koponan na nag-aagawan para sa kani-kanilang mga puwesto sa susunod na labanan sa Final Four.

Sasagupain ng nagtatanggol na kampeong San Beda College Red Lions ang puwersadong manalo sa huling tatlong laro na Generals sa ganap na alas-12 ng tanghali habang maghaharap ang nag-aagawan para sa huling dalawang silya sa semifinals na Jose Rizal University Heavy Bombers at San Sebastian College Stags sa alas-2 ng hapon.

Lalapit naman ang nananatiliing walang talo na Lyceum of the Philippines University Pirates sa posibleng pagwalis sa lahat ng laro sa eliminasyon para sa awtomatikong silya sa kampeonato sa paghahangad sa ika-16 sunod na panalo kontra sa asam din tumuntong sa unang apat na puwesto na Letran Knights sa alas-4 ng hapon.

Kasalukuyang nasa ikaanim na puwesto ang Generals sa bitbit na 6-9 panalo-talong kartada kung saan asam nitong maagaw alinman sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa semifinals kaya puwersado itong ipanalo ang nalalabing tatlong laro kabilang na ang laban nito ngayon kontra Red Lions.

Una nang nasiguro ng Red Lions ang isa sa pangunahing dalawang silyang may dalawang beses tataluning insentibo matapos umangat sa hindi na maaabot ng mga kalaban na 14-1 panalo-talong kartada para sa solong ikalawang puwesto sa likod ng mga Pirates.

Kapit naman ng JRU Heavy Bombers ang delikadong ikatlong puwesto sa bitbit nitong 9-6 panalo-talong rekord na posibleng maagaw ng makakatapat nitong season host San Sebastian na nasa ikalimang puwesto bitbit ang kabuuang 7-7 panalo-talong kartada.

Puwersado rin manalo ang Knights na namimiligro sa kinalalagyan nitong ikaapat na puwesto sa tangan na 8-7 panalo-talong karta sa pakikipagharap nito sa Pirates na bitbit ang pinakamalinis na 15-0 rekord.

Read more...