Barangay Ginebra, TNT KaTropa unahan sa 2-1 semis lead

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Barangay Ginebra vs TNT KaTropa

AGAWAN sa krusyal na ikalawang panalo ang Barangay Ginebra Gin Kings at TNT KaTropa ngayong gabi sa muling paghaharap sa Game Three ng kanilang 2017 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ganap na alas-7 ng gabi maghaharap ang Barangay Ginebra at TNT na sariwa pa sa pagtatabla sa serye noong Miyerkules ng gabi kahit na na-foul trouble ang import na si Glen Rice Jr. at makatakas sa huling atake ng Gin Kings upang maitala ang 103-96 panalo sa Game Two na ginanap sa Batangas City Coliseum.

Mahigit na 15 minutong hindi nakapaglaro si Rice sa ikalawa at ikatlong yugto bagaman nakapagtala pa rin ito ng 21 puntos matapos na magbalik sa ikaapat na yugto kung saan nagawa nitong bitbitin ang TNT sa bentahe tungo sa pagtabla sa serye sa tig-isang panalo.

Muli itong naupo sa natitirang 4:58 minuto ng laro matapos makamit ang ikalimang foul bago na lamang nagtulong sina Jayson Castro, Troy Rosario, Roger Pogoy at Kelly Williams upang makabawi sa nalasap na 121-94 kabiguan sa unang laban.

Tumapos si Castro na may 20 puntos at 10 assists kung saan 13 sa kanyang puntos ay naitala sa ikatlong yugto na nagpanatili sa TNT sa abante. Nag-ambag din si Rosario ng 16 puntos at walong rebounds habang may 14 puntos si Pogoy at si Williams ay may pitong puntos at 11 rebounds.

Naghabol naman ang Gin Kings mula sa 18 puntos at nagawa pang agawin ang bentahe sa ikalawang laro subalit hindi nito nagawang suportahan katulad sa ipinamalas sa Game One kung saan dinomina nito ang KaTropa.

Aasahan muli ng Gin Kings ang import na si Justin Brownlee na nagtala ng 25 puntos at 10 rebounds sa Game Two habang makakatulong nito sina LA Tenorio, Japeth Aguilar at Sol Mercado na nag-ambag ng tig-14 puntos sa nasabi ring laro.

Read more...