Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Meralco vs Star
(Game 3, best-of-five semifinals)
PILIT susungkitin ng Meralco Bolts ang isa sa dalawang silya sa kampeonato sa pagharap sa Star Hotshots sa Game 3 ng kanilang 2017 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tangka ng Bolts na agad tapusin sa loob lamang ng tatlong laro ang sarili nitong serye kontra Hotshots sa ganap na alas-7 ng gabi matapos iuwi ang ikalawang sunod na panalo sa paghugot ng 98-74 panalo sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Sta. Rosa, Laguna Martes ng gabi.
Dinomina ng Bolts ang ikalawang laro kung saan agad nitong kinapitan ang abante at hindi na nilingon pa ang Hotshots sa kabuuan ng laro upang lumapit sa ikalawang pagtuntong sa kampeonato ng liga.
Sasandigan ng Bolts ang import nitong si Allen Durham na nagtala muli ng double-double na 18 puntos at 25 rebounds kasama pa ang limang assists at tatlong blocks upang ipakita ang pagiging top seed ng Meralco para sa inaasam nitong pinakaunang titulo sa liga.
Aasahan din ng Meralco ang 6-foot-4 forward na si Jared Dillinger na nagpasok ng anim na tres kontra sa pito ng Hotshots at tumapos na may 18 puntos kapantay ng bago nitong kakampi na si Ranidel de Ocampo na nagpamalas ng kanyang pinakamahusay na laro sa uniporme ng Meralco.
Nagdagdag si Baser Amer ng tatlong tres at tinapos ang laro na may 16 puntos, walong assists, tatlong rebounds at isang steal.
“Ayaw ni coach Norman (Black) na maging complacent kami at balewalain lang ang kalaban. Kailangan din mataas ang confidence namin sa laro,” sabi ni De Ocampo.
Nagpamalas ng determinasyon ang Hotshots na makaganti sa nalasap na 66-72 kabiguan noong Linggo subalit hindi nakabalikwas matapos na hindi makapaglaro si Paul Lee dahil sa kanyang dating knee injury.
Itinala ng Bolts ang 30-11 run sa unang yugto pa lamang at kinontrol na ang buong laro para sa panalo.
Samantala, dinaig ng TNT KaTropa Texters ang Barangay Ginebra Gin Kings, 103-96, para itabla ang kanilang semifinals series sa tig-isang panalo sa kanilang out-of-town game Miyerkules ng gabi sa Batangas City Coliseum.
Umiskor si Glen Rice Jr. ng 21 puntos para pamunuan ang TNT KaTropa habang nag-ambag si Jayson Castro ng 20 puntos at 10 assists.
Nagtala naman si Justin Brownlee ng 25 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang Gin Kings.