DALAWA katao ang nasawi habang apat pa ang nawawala nang lumubog ang isang barko sa bayan ng Claveria, Burias island sa Masbate kahapon ng umaga.
Sa isinagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard, Navy at Air Force, nailigtas naman ang 58 katao na lulan ng lumubog na M/V Our Lady of Mount Carmel, na isang roll-on-roll-off vessel.
Kinilala ang mga nasawi na sina Carlita Zena, 59, ng Baleno, Masbate, at Erlinda Julbitado, 59, ng Binangonan, Rizal, ayon kay Ensign Ere Mon John Duruin, assistant public affairs officer ng Naval Forces Southern Luzon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring hinahanap ang mga pasaherong sina Abigail Barredo, Noan Manocan, Fe Rapsing, and Leticia Andaya.
Kasama sa nasagip ay ang skipper ng barko na si Capt. Mateo Gregorio at ang mga driver at kondukto ng dalawang bus na lulan din ng roro at dalawang helper ng isang cargo truck.
Base sa manipesto ng barko, 57 ang nakalista — 35 ang pasahero at 22 naman ang crew, ngunit ang aktuwal na bilang ng mga tao na nasa loob ng barko ay 64 nang ito ay umalis sa Port of Pio Duran sa Albay.
Wala sa manipesto ang mga driver, konduktor at helper ng mga bus at truck, ayon kay Duruin. Umalis ang Mount Carmel sa port ng Pio Duran sa Albay alas 2 ng madaling araw at patungo sa Aroroy, Masbate.
Hindi pa madetermina na PCG kung anong dahilan kung bakit lumubog ang barko, lalo pa’t imposibleng maging dahilan ang sama ng panahon at overloading dahil wala namang bagyo o weather disturbance nang sandaling maganap ang insidente.
Imposible rin anyang overloading dahil kaya ng barko na makapagsakay ng 200 katao. Posibleng human error o teknikal ang naki-kitang dahilan nang paglubog ng Mount Carmel.