2-0 lead pakay ng Ginebra kontra TNT

PAKAY ng nagdedepensang kampeong Barangay Ginebra na masukbit ang 2-0 kalamangan sa maikling best-of-five semifinal series kontra TNT KaTropa ngayong gabi sa PBA Governors Cup sa Batangas City Coliseum.
Tinambakan ng Gin Kings ang KaTropa, 121-94, sa unang laro ng serye at susubukan nitong makaulit ngayong gabi sa Game Two.
Sinilaban nina Justin Brownlee at Joe Devance ang atake para sa Ginebra bago kinumpleto nina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Mark Caguioa at Jervy Cruz ang pagtumba sa Katropa.
Bukod sa makuha ang 1-0 bentahe sa serye ay nagsilbing isang resbak iyon ng Gin Kings na tinambakan ng KaTropa sa elims, 121-92, noong Setyembre 23.
Ang kabiguan ding iyon ng Gin Kings ay nagresulta sa pagsagupa nila sa sister team San Miguel Beermen sa quarterfinal round.
Pakay sana ng Beermen na makapagtala ng grand slam sa liga pero natisod sila ng Ginebra sa umpisa ng playoffs.
Iba naman ang landas na tinahak ng TNT para makapasok sa semis dahil kinailangan nilang talunin sa isang do-or-die match ang Blackwater Elite sa quarterfinals.
At dahil kakaunti lamang ang naging pahinga ng KaTropa mula sa serye nila sa Blackwater patungo sa unang laro ng semis ay sinabi ni TNT coach Nash Racela na baka pagod lang ang kanyang koponan kaya sila natalo sa Game One.
Nangako naman si Racela na babawi ang TNT sa Game Two ngayon. —Angelito Oredo

Read more...