Trak nilamon ng ilog; 4 patay

Apat katao ang kumpirmadong nalunod nang anurin ng umapaw na ilog ang sinakyan nilang dump truck sa La Libertad, Zamboanga del Norte, ayon sa pulisya Martes.
Kumpirmadong nasawi sina Lilia Eleobido, Joana Tuse, Ihid Pioco, at Jun Obordo, sabi ni SPO2 Reczim Daquipil, imbestigador ng La Libertad Police.
Nakatanggap ang pulisya ng impormasyon na natagpuan na ang bangkay ng truck driver na si Federico Calunsag pero di pa ito makumpirma, habang nawawala pa ang isang Ruth Pactorayan, sabi ni Daquipil nang kapanayamin sa telepono.
Naganap ang insidente dakong alas-3:50 ng hapon Lunes, sa bahagi ng Dapitan River na sakop ng Brgy. Singaran.
Nagtatrabaho sina Eleobido sa isang quarry ng graba at buhangin sa naturang lugar, nang bumuhos ang malakas na ulan at umapaw ang ilog, ani Daquipil.
“Itong truck, kakargahan sana nila ng gravel and sand, pero namalayan ng driver na lumaki ang tubig kaya pinaandar,” aniya.
“At the middle of river, pinara nung mga babaeng worker ‘yung truck para sumakay sila pero habang nasa gitna sila, while crossing, namatay ‘yung makina tapos tinangay na sila,” sabi pa ni Daquipil.
Natagpuan ng mga rescuer ang bangkay ni Eleobido sa pinangyarihan dakong alas-7 ng gabi. Kinumpirma ng lokal na health office na pagkalunod ang kanyang ikinasawi.
Narekober naman ang mga bangkay nina Tuse, Pioco, at Obordo sa iba-ibang bahagi ng ilog na sakop na ng Dapitan City matapos iyon, ani Daquipil.
May nag-ulat sa pulisya na natagpuan na ang bangkay ni Calunsag doon din sa Dapitan, Martes ng hapon, pero titiyakin pa kung ang kanya nga ang katawan, ayon sa pulis.

Read more...