Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. DLSU vs UST
4 p.m. NU vs Ateneo
Team Standings: Ateneo (5-0); UP (3-1); La Salle (3-1); FEU (3-2); Adamson (2-2); NU (2-3); UE (0-4); UST (0-5)
IIWASAN ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University ang posibleng isa pang upset loss sa pagsagupa nito sa University of Santo Tomas habang asam ng Ateneo de Manila University ang ikaanim na sunod na panalo kontra National University sa pares ng salpukan ngayon sa UAAP Season 80 men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sasagupain ng DLSU Green Archers alas-2 ng hapon ang patuloy na naghahangad sa una nitong panalo na UST Growling Tigers habang pilit pananatiliin ng Ateneo Blue Eagles ang tanging malinis na karta sa liga sa pagsagupa nito sa NU Bulldogs alas-4 ng hapon.
Nalasap ng La Salle ang una nitong kabiguan sa kamay ng University of the Philippines Fighting Maroons, 87-98, upang mahulog sa ikalawang puwesto sa 3-1 panalo-talong kartada.
Huli naman nabigo ang UST sa Ateneo, 84-94, subalit matapos lamang nitong pahirapan ang Blue Eagles na hinabol nito mula sa 22 puntos na abante bago naibaba sa isang puntos na lamang at kapusin na maitala ang halos abot kamay na nitong posibleng panalo.
“Happy ako sa team kasi kahit ganun we are fighting until the end. But it’s just a matter of time para ma-develop namin ‘yun. Binibigay ‘yan sa tamang panahon. Hindi natin alam kung kailan pero darating din ‘yan,” sabi ni UST coach Boy Sablan.
Dalawang sunod na kabiguan naman ang nalasap ng NU sa loob ng apat na araw na una ay kontra Adamson University Soaring Falcons, 76-83, noong Setyembre 24 bago nasundan noong Setyembre 27 kontra sa Far Eastern University Tamaraws, 83-90, na inireklamo mismo ni coach Michael Jarin.
“We are playing three games in a span of 10 days,” sabi ni Jarin, na pinatutungkulan ang pagod ng kanyang mga manlalaro sa halos sunud-sunod na laban ng mga Bulldogs.
Sasandigan naman ng Ateneo ang mahuhusay na paglalaro ng magkapatid na Mike at Matt
Nieto gayundin si Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III para maipagpatuloy ang pinakamaganda nitong pagsisimula sa liga at asam na makatuntong muli sa kampeonato matapos na mabigo sa titulo noong nakaraang taon.