Eula, Mylene patalbugan ng akting sa The Good Son; Albert patay agad pero…

ANG ganda ng bagong atakeng ginawa ng Dreamscape Entertainment sa kanilang bagong seryeng The Good Son. Sa unang episode pa lang ay pinatay na agad si Albert Martinez.

Pero walang problema, dahil habang nakalibing na ang papel na ginagampanan ni Albert ay binabalik-balikan naman ng serye ang mga kuwentong nakapaloob nu’ng nabubuhay pa ito, flashback ‘yun pero hindi mukhang flashback ang atake.

Nagpapaligsahan sa husay umarte sina Eula Valdez at Mylene Dizon, ang tunay na misis ni Albert at ang ikalawang babae sa kanyang buhay, lutang na lutang ang kanilang mga eksena at mga ibinabatong dayalog na kapuri-puri nilang nabibitiwan.

Sa mga kabataan naman sa serye ay nakauna na si Joshua Garcia sa paghanga ng manonood.

Ihinahambing ang kanyang dating, porma at pag-arte kay John Lloyd Cruz na cool na cool lang at walang ka-effort-effort.

Magaling ding umarte si Jerome Ponce pero mas may kaway ang pagganap ni Joshua Garcia bilang anak sa labas ni Albert Martinez na kinakawawa ng pamilya ni Eula Valdez.

Tama ka, anak-anakang Ervin Santiago, may bagong serye na naman kaming iniibig ngayon.

Tuhog ‘yun! Ang Probinsyano, La Luna Sangre at The Good Son. Panalo!

Read more...