Kinapos ang Blackwater

PAANO kung Blackwater Elite ang nagwagi noong Huwebes at hindi ang Meralco Bolts?

Posible kasing nangyari iyon, e.

Sinamahan ko ang mga barkada ko sa isang “watering hole” noong Huwebes ng gabi at habang sila ay tumutungga ng paborito nilang serbesa na hindi ko naman puwedeng inumin na matapos maputol ang aking kanang paa higit dalawang taon na ang nakalilipas ay matamang pinanood namin ang laro sa pagitan ng Elite at Bolts sa widescreen.

Sa isang yugto ng laro ay lumamang pa ng sampung puntos ang Blackwater at sa aking medyo malabong mata, nasa 63-53 ang score.

“Pare, baka masilat ulit ng Elite ang Bolts ha,” ani isa kong kabarkada.

Kasi nga ay nabigo ang Meralco na ilaglag kaagad ang Blackwater na nakaungos sa Game One, 92-91, noong Martes.

Nagbida sa larong iyon si Allein Maliksi na gumawa ng huling apat na puntos ng kanyang koponan.
Dahil sa naisahan, siyempre puwedeng makadalawa.

Ang tanong ng barkada ko: “Paano kung manalo ang Blackwater diyan, e di sila ang kalaban ng Star sa semis?”

Natural! Kasi tinalo ng Hotshots ang NLEX sa kanilang quarterfinals game.

Ë paano kung talunin din ng Blackwater ang Star?

E, di pasok sila sa best-of-seven championship round.

Gagayahin nila ang ehemplo ng Powerade na nang naging no. 8 seed na nanalo sa top seed Star at nakaabot sa finals kontra Talk ‘N Text. Sumegunda nga lang sila.

“E, di ba ang Game Five, Six at Seven ng Finals ay gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Limampung libong fans o higit pa ang kasya sa venue na iyon. Mapupuno ba iyon kung Blackwater ang kalaban kahit na kontra Barangay Ginebra pa sa championship series na puwedeng tawaging Bocaue Clasico?

Napakahirap sagutin, hindi ba?

Kasi hindi naman ganoong karami ang fans ng Blackwater. At hindi naman dadayuhin ng Barangay Ginebra fans ang Philippine Arena sa loob ng tatlong araw.

So, siguro kakaba-kaba ang mga namamahala sa liga kung ano nga ang mangyayari sa Finals. Kung sabagay maganda rin naman ang mangyayari dahil sa isang bagong kampeon ang puwedeng lumitaw!
Pero nawalan ng saysay ang diskusyon at agam-agam.

Kasi nakabawi ang Meralco kahit na may kapansanan ang import na si Allen Durham. Sa pangunguna ni Baser Amer na gumawa ng 31 puntos ay tinalo ng Bolts ang Elite, 104-96.

So, natapos ang fairy tale ng Blackwater.

Sa kabila ng kabiguan, puwede na ring magmalaki ni coach Leo Isaac. Kasi nahatak nila sa sudden-death ang Meralco na siyang sumegunda sa Barangay Ginebra sa torneong ito noong nakaraang season.

Konting mga pagbabago na lang sa lineup ng Blackwater ay hindi na sila puwedeng maliitin.
Ang maganda rito ay may posibilidad na Barangay Ginebra at Star ang magkita sa Finals. Ito ay kung lulusot ang Hotshots sa Bolts.

Biruin mong Manila Clasico ang mangyayari sa Bocaue, Bulacan!

Tatabo ang PBA!

Read more...