Kim magpapakasal lang kapag Ok na ang mga kapatid at pamangkin

KIM CHIU

GUSTO munang siguruhin ni Chinita Princess Kim Chiu ang magandang kinabukasan ng pamilya, lalo na ng kanyang mga kapatid at pamangkin bago siya magpakasal.

“Wala naman akong ideal age sa pag-settle down. Kasi, sa babae, nakakahiya naman na magsabi ka tapos wala namang proposal, di ba? Parang asyumera naman. Naniniwala ako na lahat ng bagay may perfect timing,” pahayag ni Kim nang makachika ng entertainment press sa launching ng bago niyang album under Star Music, ang “Touch Of Your Love”.

Dugtong pa ng Kapamilya leading lady, “Gusto ko sana bago ‘yan (wedding), mailagay ko muna sa ayos ang family ko, gusto ko na maging maayos ‘yung future ng mga kapatid at pamangkin ko. Kapag okay na sila, siguro pwede nang pag-isipan ang mga bagay na ganyan.”

Nilinaw din ng dalaga ang mga tsismis na nagkakalabuan na raw sila ng kanyang rumored boyfriend na si Xian Lim, “Okay naman kami. Meron lang kaming mga separate projects. We are okay. Nagpo-promote rin siya ng album and upcoming movie. Ako naman, may Ikaw Lang ang Iibigin tapos may upcoming movie also, then ito ngang third album ko. Solo-solo muna kami.”

Samantala, ipinagdiriwang ni Kim ang ika-11 taon niya sa showbiz at kasabay nga nito ang paglulunsad ng kanyang bagong album mula sa Star Music, ang “Chinita Princess: Touch Of Your Love.”

Napatunayan na ng ka-loveteam ni Gerald Anderson sa daytime series na Ikaw Lang Ang Iibigin ang kanyang identity bilang recording artist mula sa tagumpay ng kanyang mga nakaraang proyekto bilang singer, at ngayon, handa na siya muling ibida ang kanyang ikatlong album na prinodyus ni Rox Santos.
Mayroon limang original tracks at isang minus one track (song title) sa album ni Kim. Ayon sa dalaga kaya raw “Touch Of Your Love” ang title ng album ay dahil, “Lahat ng kanta ko dito, types of love. May umaasa, may crush. iba’t ibang klase ng love.”

Ngayon pa lang, nangunguna na ang carrier single niya na “Okay Na Ako,” composed by Nica del Rosario, sa MOR 101.9 charts. Sa katunayan, ilang linggo na nitong nasungkit ang number 1 spot sa naturang radio station.

Kasama rin sa album ni Kim ang “‘Wag Kang Makulit”, mula kay Nica del Rosario at Hazel Faith, “Ipadarama” ni Kiko Salazar, “Katok” nina Jack Rufo at Yani Rufo, at “Yun Na, You Na” mula kay Jungee Marcelo.

Marami nang mga sumikat na awitin si Kim tulad ng “Peng Yu,” “Crazy Love,” “Falling For You,” at “Mr. Right.” Ang kanyang debut album na “Gwa Ai Di,” kung saan kabilang ang “Crazy Love,” ay nagkamit ng gold record noong 2008, habang ang awiting “Mr. Right” naman ay kinilala bilang “LSS Song Of the Year” sa MOR Pinoy Music Award 2016.

Pormal nang inilunsad ang “Chinita Princess: Touch Of Your Love” kahapon sa SM City North EDSA, Skydome. Nakasama niya rito sina Kaye Cal, Kisses Delavin at marami pang iba. Mabibili na ang bagong album ni Kim sa mga record bars at maaari nang i-download sa digital stores worldwide.

Read more...