SAN ANTONIO — Sa unang pagkakataon sa 2013 NBA Finals ay sabay na naglaro ng mahusay ang Big Three ng Miami Heat para manalo sa Game Four, 109-93, kontra San Antonio Spurs Biyernes at itabla ang serye sa 2-all.
Ang Most Valuable Player ng liga na si LeBron James ay may 33 puntos, 11 rebounds at tigalawang steals at blocks para pangunahan ang Heat. Tumira rin siya ng 15-of-25 (60%) field goals.
Si Dwyane Wade naman ay nagtapos na may 32 puntos, anim na rebounds, anim na steals, apat na assists at tumira ng 14-of-25 (56%) mula sa sahig.
Ang ikatlong miyembro ng Big Three na si Chris Bosh ay kumulekta ng 20 puntos, 13 rebounds at tigalawa ring steals at shotblocks. Siya ay may shooting accuracy na 8-of-14 (57.1%) mula sa sahig. Nagdagdag din ng 14 puntos si Ray Allen na may 5-of-10 field goal shooting.
Sa kabuuan, tumira ng 45-of-85 (52.9%) field goals ang Heat habang nalimita nila ang Spurs sa 31-of-70 (44.3%) shooting.
Napuwersa rin ng Miami ang San Antonio sa 19 turnovers. Sa dalawang panalo ng Spurs sa serye ay nag-average lamang ito ng pitong turnovers kada laro.
Kumpara rin sa Game Three kung saan tumira ng NBA Finals record 16-of-32 three-point shots ang Spurs ay tumira lamang sila ng 8-of-16 kahapon.Ang Game Five ay lalaruin pa rin sa homecourt ng Spurs sa Lunes ngunit ang Game Six sa Miyerkules at Game Seven (kung kinakailangan) ay gaganapin sa Miami.
Hindi naman ininda ni Tony Parker ang kanyang hamstring injury at tumapos na may 15 puntos, siyam na assists at apat na rebounds. Nag-ambag naman ng 20 puntos at limang rebounds si Tim Duncan. Ang tatlong “hero” ng Spurs sa 113-77 panalo nito sa Game Three na sina Danny Green, Gary Neal at Kawhi Leonard ay umiskor ng pinagsamang 35 puntos kahapon.
Sa Game Three ay gumawa ng 65 puntos ang tatlong ito. Hindi rin nakatulong sa opensa ng Spurs si Manu Ginobili kahapon matapos na umiskor ng pitong puntos lamang at tumira ng 0-of-4 mula sa three-point area.
Bago nag-umpisa ang Game Four ay nangako sina James at Wade na maglalaro sila ng mas mahusay kaysa ipinakita nila noong Game Three kung saan tinalo sila ng Spurs ng 36 puntos. Sa larong iyon ay tumira lamang ng 7-of-21 (15 puntos) si James habang si Wade ay tumira ng 7-of-15 (16 puntos). Umiskor lang din noon ng 12 puntos si Bosh sa 4-of-10 shooting.
Kahapon ay mas naging agresibo sa opensa sina James, Wade at Bosh. Para bumuka ang depensa ng Spurs at makalibre sa loob ang Big Three ng Miami ay hinugot ni Heat coach Erik Spoelstra si power forward Udonis Haslem mula sa starting unit at ipinasok ang shooter na si Mike Miller