KC mananalo ng award dahil sa sampal at sabunot ni JUDAY

IN fairness, kahit sino ang makausap namin ay nagsasabing tama ang naging desisyon ni KC Concepcion na pumayag magkontrabida kay Judy Ann Santos sa teleseryeng Huwag Ka Lang Mawawala na magsisimula na sa Lunes sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

At agree rin kami diyan. Sigurado kami na mas maa-appreciate ngayon ng manonood si KC bilang aktres. Hindi raw kasi talaga bagay sa kanya ang mga api-apihan na role, mas swak nga naman kay KC ang bida-kontrabida na karakter tulad ng mga ginagampanan ni Angelica Panganiban.

Sa trailer pa lang ng Huwag Ka Lang Mawawala ay marami na ang na-excite para kay KC, feeling nila, ang pagiging kontrabida niya kay Juday ang siyang magpapaangat sa kanyang acting, at baka  magka-award pa siya dahil sa mga sampal at  sabunot ni Juday sa kanya.

Sa presscon na ibinigay sa kanila ni Sam Milby ng ABS-CBN para sa nasabing serye, ipinaliwanag ni KC kung bakit pumayag siyang maging kontrabida sa kauna-unahang pagkakataon, “Yung role ko po, isa po siyang babae na ibibigay ang lahat dahil sa pagmamahal. Isa po siyang mabuting babae na sadyang nagmahal. At dahil sa pagmamahal na ‘yan kaya lumalabas din ‘yung pangil niya.”

Natanong ang anak ni Megastar Sharon Cuneta kung keri ba niyang maging ganoon sa tunay na buhay? “Hindi, hindi…ang sa akin nga, kaya nga siya challenge, si Alexis (karakter niya sa soap), talagang napakaano, e…”

“Wala, bulag na bulag na bulag na talaga siya na hindi niya maiwan ‘yung tao na minamahal niya. Siguro, ‘yun ang pagkakaiba namin na, bilang KC, masasabi ko talaga na may ginagawa si Alexis dito na hindi talaga dapat tularan ng mga kababaihan,” paliwanag pa ng aktres-TV host.

Pero bawi ni KC, “But there is Alexis in everyone. Hindi lang siguro yung one hundred percent, pero may mga babae o beki na pinagdaanan yung journey na yan ni Alexis.”

Naniniwala rin si KC na lahat ng tao ay may itinatagong kamalditahan, “Yung pagma-maldits po? Si Alexis po kasi… ako, I always say that there is Alexis in everyone—mapa-babae, mapa-kerida, mapa-single girl.

“Single parent o single woman o kung karapat-dapat ba siyang mahalin ng isang tao, o mapa-beki man ‘yan or anything, talagang merong Alexis in everyone. Yun ang pinag-uusapan namin ng make-up artist ko, para siyang RTW. Kapag suot mo, basta may size ka, masusuot mo siya. So, there’s an Alexis in everyone.

“Yung pagmamaldita po, sa totoo lang, I had so much fun with it. Tuwang-tuwa po ako sa character niya. Ito yung tipong nagpapakatotoo siya. Ipinapakita po niya sa viewers ang lahat ng side niya.

“Yung viewer lang po ang makakakita nu’n dahil kapag kaharap ni Alexis si tito Romulo niya, si tito Pip (Tirso Cruz III), iba. Iba rin kapag kaharap niya si Anessa. Iba rin po kapag kaharap niya ang pinakamamahal niya sa buhay niya, si Eros (Sam).
“Kapag nag-action na, feel na feel ko ang ginagawa niyang pangbu-bully,” kuwento pa ni KC.

Chika pa ni KC, baka raw hindi niya tinanggap ang serye kung hindi si Juday ang kasama niya, “Has it been a different actress, parang iba ang magiging desisyon ko. Pero, it’s Ms. Judy Ann Santos.

“I mean, Anne Hathaway has played these kind of roles also. Na talagang may bida rin sa project niya. Pero, if it’s someone like Ate Juday, it’s an honor more than anything.

“It’s a huge, huge opportunity to learn from them, di ba? Hindi lang naman yung makikita ng mga tao kung hindi yung magaganap din behind the screen,” sey pa ng dalaga.

Sa tanong kung hindi ba siya natatakot na mabago ang tingin sa kanya ng mga tao dahil nga kontrabida na siya ngayon, ani KC, “Hindi na. Parang sa lahat ng pinagdaanan ko sa harap ng publiko, parang mahal naman nila ako for who I am.”

Marami rin ang nagsasabi na ang desisyon niyang maging kontrabida ay isang malaking hakbang para tuluyan nang mabura sa isip ng publiko na sinusundan lang niya ang yapak ng kanyang inang si Sharon. Sa history kasi ng career ni Mega, never itong gumanap na kontrabida.

“Sa lahat naman po yata ng ginawa ko for the last couple of years, mga choices or mga risky choices na ginawa ko, marami na rin akong ginawa na never ginawa ng mommy ko,” sey ni KC.

Read more...