Laban vs Bautista di pa tapos

IBINASURA na ng House committee on justice ang impeachment complaint na inihain ni dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio laban kay Commission on Elections chairman Andres Bautista.

Insufficient in form ang reklamo, ayon sa boto ng mga miyembro ng komite.

Pero hindi pa umano tapos ang laban dahil pwede pa namang mabago ang desisyon ng komite pagdating sa botohan ng plenaryo kaya hindi pa umano makakatulog ng mahimbing si Bautista.

Totoo naman ito. Sa ilalim ng Rules of Impeachment ng Kamara de Representantes ang kailangan lamang ay one-third ng kabuuang bilang ng mga kongresista ay mababaliktad na ang report ng komite na nagbabasura sa reklamo.

Agad na bubuuin ang Articles of Impeachment na ipadadala sa Senado na siyang magsasagawa ng Iipeachment trial.

May mga nagsasabi na ito ang plano. Upang makapag-concentrate daw ng Justice committee sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Pagdating daw sa plenaryo ay makakukuha ng 98 boto ang Bautista complaint at iaakyat ito sa Senado.

Kung ganito nga ang plano, ibig sabihin ay hindi na makaboboto pabor sa reklamo ang 26 kongresista na miyembro ng justice committee.

Nakakahiya naman siguro kung sa komite ay pabor sila na maibasura ang reklamo tapos pagdating sa plenaryo, babaliktarin nila ang kanilang boto at bilang susuporta di ba?

Ang tigas naman ng face nila nun. Magmumukha talaga silang utusan. Mayroon namang 294 kongresista at mahigit 200 ang kaalyado ng administrasyon, kung aalisin ang 26 sa kanila ay kaya pa ring makuha ang kinakailangang 98 boto.

O baka naman sabihin nila na, “hindi ba pwedeng magbago ang isip ko”. Oo nga naman karapatan nila ‘yun. Pero magmumukhang inutusan lang sila sa kung ano ang kanilang iboboto at hindi talaga pinag-aralan ang reklamo.

Kung sakaling baliktarin sa plenaryo ang pagbasura sa reklamo kay Bautista, ang mapupuno naman ng trabaho ay ang Senado.

Sabi ni Speaker Pantaleon Alvarez mayroon silang numero— “200 pa nga kung gusto mo” — para ma-impeach si Sereno.

Ayaw lang nilang madaliin at agad na ihain ang reklamo sa Senado dahil ayaw nilang magkalat doon. Gusto nila na sigurado sila sa mga ebidensyang hawak nila at sa mga sasabihin nila sa impeachment court para hindi sila magmukhang tanga.

Paano kaya ang gagawin ng Senado? Nasa kanan ang impeachment kay Sereno at sa kaliwa ang reklamo kay Bautista?

O baka naman talagang basura na ang impeachment kay Bautista. Pwede naman kasi na next year na ito i-impeach ng Kamara. Isang taon lang naman ang ban sa paghahain ng reklamo.

Baka mauna si Sereno, tapos next year si Bautista?

Kung tama ang pagkakatanda ko noong 2015 itinalaga si Bautista sa Comelec. Pitong taon ang kanyang termino kaya sa 2022, ang taon kung kailan bababa sa Malacanang si Pangulong Duterte.

Read more...