NITONG mga nakaraang araw, kinuyog si House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Rodolfo Fariñas sa kanyang paandar matapos namang sabihan ang Department of Transportation (DOTR) at Metropolitan Development Authority (MMDA) na dapat ay hindi inaaresto ang mga kongresista sakaling makagawa ng paglabag sa batas trapiko.
Sa pagdinig ng Kamara kamakailan, sinabihan ni Fariñas ang DOTR at MMDA na dapat ay hindi hulihin ang mga mambabatas kapag lumalabag sa batas trapiko para hindi sila mahuli sa sesyon ng Kamara.
Idinahilan ni Fariñas na pinagsasarhan ang mga kongresistang nahuhuli sa pagpasok sa session hall.
Imbes na magpakita ng magandang halimbawa, gusto pang palabasin ni Fariñas na bigyan ng special treatment ang kapwa niya mambabatas.
Hindi rin naiwasan ng mga netizen na sabihan si Fariñas na mali ang pagkakaintindi niya o talagang binabaluktot ang sinabing parliamentary immunity para sa mga kongresista.
Maging ang Palasyo ay hindi natuwa sa pahayag ni Fariñas, sa pagsasabing mismong si Pangulong Duterte na ang nagsabi na kahit siya ay ayaw sa special treatment kayat yun din ang inaasahan sa kanilang mga kalyado na hindi dapat gamitin ang kanilang puwesto para sa pansariling interes.
Idinagdag ni Abella na kahit pangulo na ng bansa, ipinapakita pa rin ni Duterte ang pagkakaroon ng simpleng buhay at walang special treatment.
“We hope our colleagues in Congress, especially our allies, can bring themselves to do the same,” sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa hirit ni Fariñas.
Baka nakakalimot si Fariñas na walang mahirap o mayaman sa pagpapatupad ng batas, at hindi rin ito usapin ng isang ordinaryong tao o isang may katungkulan sa gobyerno.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging kontrobersiyal si Fariñas dahil sa kanyang mga hirit.
Sabi nga ng Palasyo, hindi porket kaalyado ka na ni Pangulong Duterte ay maaari mo nang gawin ang lahat.
Hindi ginawa ang batas para lamang sa mga mahihirap at ordinaryong tao. Kahit ang mga mambabatas na siyang gumagawa ng batas ay sakop din ng kanilang ipinapasang mga panukala.
Dapat itong tandaan ni Fariñas at tigilan na ang pagiging arogante.