Bossing, Ai Ai naghamunan: pagalingan sa hugot at punchline

NAGBABALIK sa weekend primetime slot ang Blockbuster Comedy Royalties na sina Vic Sotto at Ai Ai delas Alas. Muli silang magpapasabog ng katatawanan sa bagong comedy game show ng GMA tuwing Linggo ng gabi, ang Bossing And Ai.

Matutunghayan ang bakbakan nina Bossing at Ai Ai dahil kada linggo ay meron silang makakasamang mga kakampi na makipagtagisan ng galing sa iba’t ibang game segments. Ibang level din ng kulitan ang dapat abangan dahil mas matapang at punong-puno ng katatawanan ang kanilang patalbugan.

“Siguro mas makikita rito kung paano kaming magbiruan ni Bossing, at exciting kasi talagang paligsahan kami. Kailangan nilang abangan kung sino sa amin ang mas witty,” hamon ni Ai Ai.

Hindi naman nagpatalo si Bossing dahil ayon sa kanya, matagal na niyang kilala ang Comedy Queen, “Kabisado ko na siya, kaya mas dapat siyang maghanda!” palabang sagot ni Bossing.

Makakasama rin dito sina Jose Manalo bilang permanent sidekick ni Bossing at ang kwela at nakakalokang si Tart Carlos na papanig naman sa Comedy Queen. Magsisilbing game master si Oyo Sotto na tagapamahala ng mga laro kada linggo, at siya rin ang magbibigay ng parusa sa mga natalo kada buwan.

Sa pilot episode tonight, makaka-join ng tropa si Teri Onor. Sino kaya ang bibiyayaan ng beginner’s luck? Abangan ang Bossing And Ai ngayong Linggo, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA.

Read more...