Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 pm UST vs FEU
4 pm DLSU vs UP
Team Standings: Ateneo (3-0); La Salle (3-0); UP (2-1); NU (2-1); Adamson (1-2); FEU (1-2); UST (0-3); UE (0-3)
HINDI lamang ikaapat na sunod na panalo at solong liderato ang tatangkain ngayon ng defending champion De La Salle University Green Archers kundi masubok muli ang sistema sa pagsagupa sa University of the Philippines Fighting Maroons sa UAAP Season 80 men’s basketball sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ito ay matapos isagawa ni two-time Coach of the Year Aldin Ayo ang dalawang araw na fine-tuning sa Green Archers matapos ang panalo noong Miyerkules at paghahanda kontra Fighting Maroons ngayong alas-4 ng hapon.
Matatandaang nadismaya ang nagwagi bilang Coach of the Year noong 2015 sa Letran Knights sa NCAA at La Salle sa UAAP noong nakaraang taon kahit na nakamit ang ikatlong sunod nitong panalo at pagsalo sa liderato kontra Adamson University Soaring Falcons, 85-73, noong Miyerkules.
“That was a bad win. We started strong but we failed to finish it convincingly. Lumabas iyung pagiging bata ng team namin. Nakita namin iyung immaturity. Nagkanya-kanya. But good thing is nire-recognize nila agad ang kamalian nila pagtingin sa bench,” sabi ni Ayo, sa pagnanais agad alisin ang kahinaan sa title defense ng Green Archers.
Hangad ng Green Archers ang ikaapat na diretsong panalo at solo lead subalit aminado si Ayo na hindi ito magiging madali lalo na kontra Fighting Maroons na nagpapakita ng husay sa pagtuntong nito sa ikatlong puwesto sa pangkalahatan at delikado sa paghatak ng upset.
“UP is playing an inspired basketball right now as evident with their buzzer-beating victory over UST and then against UE. We just could not go the way we play last time if we want to win against them,” sabi ni Ayo.
Tinalo ng Green Archers ang unang nakatapat na Far Eastern University Tamaraws, 95-90, nilampasan ang National University Bulldogs, 115-109, bago pinabagsak ang Adamson, 85-73.
Natakasan man ng UP ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 74-73, nabigo ito sa Ateneo de Manila University Blue Eagles, 71-92, bago bumangon kontra University of the East Red Warriors, 84-71.
Asam naman ng Growling Tigers na putulin ang tatlong sunod na kabiguan sa pagsagupa nito sa Tamaraws sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon.
Nabigo ang FEU sa una nitong laro kontra La Salle, 90-95, bago nanalo sa UE, 90-83, at nabigo muli kontra Ateneo, 82-94.
Inaasahang sasandigan muli ng La Salle ang kababalik lamang sa paglalaro sa FIBA AfroBasket na si Ben Mbala na agad nagtala ng league career-high 32 puntos, 10 rebounds, isang steal, apat na shotblocks at walong turnovers.