MINSAN, er kadalasan ay pinagsisisihan at pinanghihinayangan ang isang pagkakamali, pangyayari o pagkatalong naranasan lalo’t malaki ang epekto nito sa buhay pagdating ng panahon.
Halimbawa ay ang walang playoff sakaling magtabla ang mga koponan maliban na kung para sa ikawalo’t huling puwesto para makapasok sa quarterfinal round ng kasalukuyang PBA Governors’ Cup.
So, ibig sabihin, kapag nagtabla ang teams number one hanggang number seven, walang playoff para sa Top Four slots na magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa susunod na yugto.
Sa team standings, parang nakasisiguro na sa insentibo ang defending champion Barangay Ginebra, Meralco at NLEX.
Ang medyo nagdedelikado base sa mga huling laro ngayon at bukas ay ang TNT KaTropa, San Miguel Beer at Rain or Shine.
Sa tatlong ito, ang Elasto Painters ang may pinakamababang record na 6-4. Ang TNT KaTropa at San Miguel Beer ay may 7-3. Pero puwedeng magtabla ang tatlong ito. Ito ay kung magwawagi ang Rain or Shine sa Blackwater mamaya at matatalo ang TNT KaTropa sa Barangay Ginebra, at bukas ay matatalo rin ang San Miguel Beer sa Meralco.
So pare-parehong magtatapos nang may 7-4 record ang tatlong ito.
Sa scenario na ito, ang Elasto Painters pa ang makakakuha ng ikaapat na puwesto at twice-to-beat base sa mataas na quotient.
Bakit?
Aba’y tinambakan kasi nila ng 32 puntos ang TNT KaTropa, 105-73, noong Agosto 20.
Biruin mong napakalaking winning margin iyon. Kung isa o dalawa o kahit na limang puntos o sampu lang ang panalo ng Elasto Painters, hindi pa rin sila aabot.
Kasi natalo sila sa San Miguel Beer, 103-96, noong Setyembre 6. Dinaig din ng Beermen ang TNT Katropa, 97-91, noong Agosto 2.
So dapat sana sa three-way tie, ang San Miguel Beer ang papasok dahil tinalo nito ang Rain or Shine at TNT KaTropa.
E kasi nga tambak ang panalo ng Elasto Painters.
Ang maganda para sa Tropang Texters at Beermen ay hawak naman nila ang kanilang kapalaran. Kahit magwagi ang Rain or Shine sa Blackwater, basta manalo sila sa huling laban nila, bagsak ang Elasto Painters.
At kung iyon nga ang mangyayari, makakamtan ng Beermen ang ikaapat na puwesto at twice-to-beat advantage dahil sa win-over-the-other rule.
See!
Ang magsisisi sa dakong huli kung ito ang magaganap ay ang TNT KaTropa. Kasi hindi nila pinag-igihan ang performance sa umpisa ng torneo.
Masasayang ang ratsada nila sa dulo at mahihirapan sila dahil kailangan nilang talunin ng dalawang beses ang sinumang makakaharap sa quarterfinals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.