Anyare na sa MRT?

MINSAN na rin kaming nakaranas na mapababa ng tren ng MRT dahil nasira. Buti nga hindi tumirik sa gitna, kung nagkataon napalakad sana kami sa riles.

Sumakay kami sa Magallanes station. Sa gitna ng biyahe ay bigla na lamang humihinto ang tren. Wala naman kaming nakitang natumba dahil siguro siksikan ang mga pasahero, walang espasyo para matumba.

Pagdating sa Boni station ay inanunsyo na ng driver na nasira ang tren at pinababa ang lahat ng pasahero.

Dumagdag ang mga pasaherong bumaba sa mga pasahero na naghihintay ng daraang tren kaya siksikan talaga.

Bago pa ang MRT nang una akong masakay dito kaya naman alam ko ang diperensya ng serbisyo nito noon at ngayon.

Noong 1999 ipinag-utos ni Pangulong Joseph Estrada na ibaba ang pasahe kasi hindi sinasakyan dahil mahal.

Ito yung panahon na konti pa lang ang pasahero na nakatayo.

Nang ibaba ang pasahe, dinagsa ng pasahero ang MRT.

Umabot kasi sa punto na mas mura pa ang pamasahe sa MRT kesa sa air-conditioned bus. Trapik pa sa Edsa kaya naman dumami ang sumasakay ng MRT.

Sobra-sobra ang pasahero ng MRT at dahil nagmamadali ang lahat, nagsisiksikan. Kaya naman inaasahan na malalaspag talaga ang tren.

Noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay maraming plano dahil nakikita na ang pagkalaspag ng mga tren. Pero dahil hindi pa nagsisimula ang proyekto ay pinagdududahan na may korupsyon, walang nangyari.

Pagpasok naman ng Aquino government ay nagpatuloy ang problema hanggang sa maging maya’t maya ang pagkasira ng mga tren.

Nagtaas pa ng pamasahe para madagdagan ng P1 bilyon ang kita ng MRT na ang akala ng marami ay magreresulta sa mas magandang serbisyo nito.

Natapos ang nakaraang administrasyon nang walang nakikitang malaking pagganda sa serbisyo ng MRT. At nailipat ang mga problemang ito sa Duterte government.

Noong nakaraang eleksyon, sa dami ng pangako na pagagandahin ang serbisyo ay wala pa ring nararamdamang malaking ginhawa ang mga pasahero.

Halos araw-araw ay may nasisira pa ring tren at siksikan pa rin ang mga pasahero.

Mahigit isang taon pa lang naman ang Duterte government at sana ay magtagumpay sila sa pagpapaganda ng MRT.

Ngayon alam na ng administrasyon na ang problema ng MRT ay hindi lamang pagdaragdag ng bagon sa mga tren para mabawasan ang siksikan.

Alam na ng Department of Transportation na hindi simple ang kanilang kinakaharap.
Bukod dito ay wala pa rin namang nakikitang malaking pagbabago sa trapik sa Edsa.

Mabagal pa rin ang takbo ng mga sasakyan kaya walang mapagpilian ang mga pasahero.

Marami sa mga pasahero ng sasakyan ay nananalangin din na gumanda na ang serbisyo ng MRT para doon na lang sila sasakay.

Read more...