Ateneo Blue Eagles nadagit ang ika-3 diretsong panalo

Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. NU vs UST
4 p.m. Adamson vs DLSU

IPINAMALAS muli ni Ferdinand “Thirdy” Ravena III ang dekalidad na paglalaro upang tulungan ang Ateneo de Manila University Blue Eagles na mapanatili ang malinis na kartada at masolo ang liderato sa pagsungkit ng ikatlong sunod na panalo kontra Far Eastern University Tamaraws, 94-82, sa UAAP Season 80 men’s basketball Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Kumulekta si Ravena ng 18 puntos, 11 rebounds, limang assists at isang block sa 27 minutong paglalaro upang itulak ang Blue Eagles malampasan ang hamon ng dati nitong nakalaban sa Final Four noong nakaraang taon na Tamaraws.

Nagawang itala ng Blue Eagles ang pinakamalaki nitong 18 puntos na abante sa unang yugto matapos paulanan ng tres ang Tamaraws na sinandigan nito sa kabuuan ng laro upang itulak ang kalaban tungo sa ikalawang kabiguan sa loob ng tatlong laro.

Naghulog ang Ateneo ng kabuuang 12 tres sa 34 na tira habang nagawa rin nito ipasok ang 12 sa ibinigay na 15 free throws sa kabuuan ng laro upang manatiling isa sa dalawang koponan na hindi pa nakakatikim ng kabiguan kasama ang nagtatanggol na kampeon at karibal na De La Salle University Green Archers.

Tumulong naman sina Anton Asistio na may 16, Matt Nieto na may 11 at Vince Tolentino na may 10 puntos.

Matapos madepensahan sa huling laro kung saan nabigo ang University of the Philippines kontra Ateneo ay natagpuan muli ni Paul Desiderio ang kanyang opensiba at agad itong pinag-init upang itulak ang Fighting Maroons sa 84-71 panalo kontra University of the East Red Warriors sa unang laro.

Maliban sa kanyang game-winning shot sa kanilang unang laro kontra University of Santo Tomas Growling Tigers, hindi makaigpaw si Desiderio na mapanatili ang kanyang produksiyon sa nakalipas na dalawang laro bago na lamang ang kanyang dominasyon sa ikatlong yugto ng laban kontra Red Warriors.

Itinala ni Desiderio ang career-high 28 puntos dagdag ang 10 rebounds upang itulak ang Fighting Maroons sa solong ikatlong puwesto sa bitbit na 2-1 panalo-talong kartada sa pagwawagi kontra Red Warriors na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan.

Pinag-init muna ng nasa ikaapat nitong taon at tubong-Cebu na si Desiderio ang kanyang laro sa pagkamada ng pitong puntos sa unang hati bago naglagablab sa ikatlong yugto sa paghulog ng 16 puntos sa itinala ng koponan na 21-3 atake upang habulin ang 14 puntos pagkaiwan at itala ang 64-49 bentahe.

“Masyado akong gigil sa first two games. Pilit ko talaga itina-try i-settle ‘yung sarili ko na relax lang kasi ‘yun nga, forced shots ‘yung first two games. Sobrang panget buti nalang ngayon, na-control ko na ‘yung sarili ko,” sabi ni Desiderio, na tinabunan ang buong UE crew na nagtala lamang ng kabuuang pitong puntos.

Una nang nalimitahan si Desiderio sa siyam na puntos sa kabiguan kontra Ateneo.

“That’s really really big for us. I think without that we would be struggling all game long. It was a good game for him that he got his confidence back and it was a good game for us because it took away the life from UE,” sabi ni UP coach Bo Perasol.

“What a time to get his game back. This is an important game for us. Because we’re going to meet very tough teams in the next two weeks. We need to get as much wins as we can,” sabi pa nito.

Read more...