Trip-trip lang: Ellen walang paki kung masira man ang image ni John Lloyd

ELLEN ADARNA AT JOHN LLOYD CRUZ

HABANG nabubulabog ang kampo ni John Lloyd Cruz dahil sa mga video niyang lumabas sa social media na hindi multo ang nag-upload kundi ang tropa ni Ellen Adarna ay hayun ang sexy actress, cool na cool, chillax na chillax lang.

Nagkakagulo na sa balwarte ng magaling na aktor para walisin ang kahihiyang inabot nito ay parang wala lang ‘yun sa babaeng ibon, dinedepensahan pa nga niya ang senaryo, natural lang daw na mag-enjoy sila dahil di naman retreat ang kanilang pinuntahan.

Mukhang hindi umandar ang radar ni JLC sa pagpili ng mga taong sasamahan. Du’n nagkulang ang aktor, hindi ito nagpairal ng pag-iingat, hindi nito nasukat ang kapasidad ng kanyang mga kasama.

Sanay na sanay si Ellen Adarna sa mga ganyang kuwento. Kung ano ang gusto niyang gawin, magwalwal man siya nang magwalwal, ay wala naman siyang pinakikinggang nagbabawal sa kanya.

Okey na ‘yun, wala namang problema, ano ba ang pakialam natin kung uminom man siya nang uminom hanggang sa tumihaya na siya sa kalasingan! May magagawa ba naman ang kahit sino kung nanunuyo na ang kanyang lalamunan at gusto na niyang tumoma?

Pero kung kaibigan ang turing niya kay John Lloyd, kahit gapatak man lang sanang malasakit ay naglalaan siya para sa aktor. At kung totoo ngang magkarelasyon na sila, kesehodang pangmatagalan ‘yun o trip-trip lang, dapat ay mas pinag-iingatan niya ang binatang aktor para hindi ito malagay sa kahihiyan.

Pero sino ba ang pinag-ugatan ng mga lumabas na video kung saan ipinakikita si John Lloyd sa kahiya-hiyang sitwasyon? Mismong kay Ellen Adarna pa at sa kanyang mga kaibigan.

Ganu’n ba ang taong nagmamahal at nagmamalasakit, ihinahain sa pampublikong kahihiyan ang kanyang mahal, para lang siya mapag-usapan?

Read more...