KAHIT ano basta kayang maipuslit, ipupuslit at ipupuslit ng Pinoy! Totoo nga ba ito?
Kilala ang Pilipino sa galing natin sa iba’t ibang larangan at hindi naman maikakailang kinikilala naman talaga ang Pinoy saan man sa mundo dahil sa taglay nitong kakaibang mga talento.
Pero pati ang pagpupuslit, maituturing bang kagalingan din ng isang Pinoy? Maling talento?
Palagi na lamang nating nababalitaan ang pagkakasangkot ng Pinoy sa pagpupuslit ng ilegal na mga bagay.
Sa katunayan, marami na rin ang nahatulan ng kamatayan pagdating sa pagpupuslit ng ilegal na droga bukod sa marami ang nakabilanggo sa iba’t ibang bansa dahil din sa kasong ito.
Pati pagpupuslit ng tao ay hindi rin pahuhuli ang Pinoy! Mga kababayan natin, ipinupuslit din!
Tulad na lamang ng ng pagkakaaresto sa tatlo katao kasama na ang dalawang kababaihan nang tangkain nilang ipuslit ang anim na Pinoy patungong Sabah, Malaysia.
Isang Chinese national at dalawang Pinay ang nahuli sa Kota Kinabalu nang ipuslit nila ang anim na Pinay mula Zamboanga gamit ang rutang Sandakan, Sempora at Tawau.
Pinangakuan ang mga Pinay ng trabaho bilang waitress sa mga nightclubs at restaurant doon, ngunit naabuso lamang ang mga ito.
Biktima ng human trafficking at prostitution ang mga Pinay. Naaresto naman ang mga suspek dahil sa monitoring at surveillance ng mga awtoridad sa tinutuluyan nilang bahay.
Sa kasalukuyan ay nasa isang local shelter na ang mga biktima habang nasa kustodiya na ng pulis ang mga suspek.
Kung sa Malaysia, tao ang naipuslit, sa Saudi Arabia naman, arestado ang isang Pinoy dahil sa tangkang pagpupuslit ng droga sa bansa.
Arestado nga ng Saudi Arabian authorities ang isang Pinoy kasama ang isang Pakistani national na nahulihang may dalang 4.3 kilograms ng methamphetamine o shabu na balak sanang ipasok ng bansa nito lamang Sabado.
Hindi na sila umabot ng Pilipinas dahil sa Saudi pa lamang, nasakote na sila. Palibhasa’y Haj season, kung kaya’t sinasamantala din ito sa pagpapasok at paglalabas ng anumang mga kontrabando sa Saudi.
Kapansin-pansin lamang ang kakaibang lakas ng loob ng ating mga kababayan at pakikipagsabwatan pa sa ibang mga lahi upang maisagawa lamang ang kanilang mga krimen tulad ng pagpupuslit ng kahit ano!
Markado nga ba o talagang estilo na ng Pinoy ang pagpupuslit? O pagpapalusot? Dala na nga ba natin ang masamang ugaling ito mula pagkabata hanggang sa pagtanda at iikot na naman sa mga susunod na henerasyon?
At kung sakaling makalulusot, patuloy at patuloy iyong gagawin dahil sa paniniwalang magaling sila at hindi mahuhuli ng awtoridad!
Pinoy style na nga bang talaga ang pagpupuslit?
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com